At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng PANGINOON ay matatatag bilang pinakamataas sa mga bundok, at itataas sa ibabaw ng mga burol; at lahat ng bansa ay pupunta roon.
Maraming tao ang darating at magsasabi: "Halina kayo, at tayo'y umahon sa bundok ng PANGINOON, sa bahay ng Diyos ni Jacob; upang turuan niya tayo ng kanyang mga daan, at tayo'y lumakad sa kanyang mga landas." Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang tagubilin, at ang salita ng PANGINOON mula sa Jerusalem.
Kanyang hahatulan ang mga bansa, at magpapasiya para sa maraming tao; at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit; ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o matututo pa ng pakikipagdigma.
Sapagkat tinanggihan mo ang iyong bayan, ang kay Jacob na sambahayan, sapagkat sila'y puno ng mga manghuhula mula sa silangan, at mga mangkukulam na gaya ng mga Filisteo, at sila'y nakikipagkamay sa mga anak ng mga dayuhan.
Ang kanilang lupain naman ay puno ng pilak at ginto, at walang katapusan ang kanilang mga kayamanan; ang kanila namang lupain ay puno ng mga kabayo, at ang kanilang mga karwahe ay wala ring katapusan.
Ang mga tao ay papasok sa mga yungib ng malalaking bato, at sa mga butas ng lupa, sa harapan ng pagkatakot sa PANGINOON, at sa karangalan ng kanyang kamahalan, kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa.
Sa araw na iyon ay ihahagis ng mga tao ang kanilang mga diyus-diyosang pilak, at ang kanilang mga diyus-diyosang ginto, na kanilang ginawa upang sambahin, sa mga daga at mga paniki;
upang pumasok sa mga siwang ng malalaking bato, at sa mga bitak ng mga bangin, sa harapan ng pagkatakot sa PANGINOON, at sa karangalan ng kanyang kamahalan, kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa.