Ang buong lunsod ay nagkakagulo; punô ng ingay at kasayahan. Ang mga anak mo'y namatay hindi sa pamamagitan ng espada; hindi sila nasawi sa isang digmaan.
Nagsitakas nang lahat ang inyong mga pinuno ngunit nahuling walang kalaban-laban. Ang lahat ninyong mandirigma ay nabihag na rin kahit nakatakas na at malayo na ang narating.
Kaya sinabi ko, “Pabayaan ninyo ako! Hayaan ninyong umiyak ako nang buong pait; huwag na kayong magpumilit na ako'y aliwin, dahil sa pagkawasak ng aking bayan.”
Sapagkat ito'y araw ng kaguluhan, pagyurak at pagkalito na itinalaga ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, sa Libis ng Pangitain. Araw ng pagpapabagsak ng mga pader; araw ng panaghoy na maririnig sa kabundukan.
Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at pinuno ninyo iyon ng tubig mula sa Lumang Tipunan. Ngunit hindi ninyo naisip ang Diyos na siyang nagplano nito noon pang una at nagsagawa nito.
Nanawagan sa inyo si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, upang kayo'y manangis at managhoy, upang ahitin ninyo ang inyong buhok at magsuot ng damit-panluksa.
Ngunit sa halip, nagdiwang kayo at nagpakasaya, nagpatay kayo ng tupa at baka upang kainin, at nag-inuman kayo ng alak. Ang sabi ninyo: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas, tayo'y mamamatay.”
Parang bola kang dadamputin at ihahagis sa malayong lupain. Doon ka mamamatay, sa tabi ng ipinagmamalaki mong mga karwahe, ikaw ang nagdadala ng kahihiyan sa sambahayan ng iyong panginoon.’
Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan, ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan, siya ang magiging ama ng mga taga-Jerusalem at ng mga taga-Juda.
Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda, itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar, at siya'y magiging marangal na trono sa sambahayan ng kanyang ama.”
Sa kanya maaatang ang lahat ng kaluwalhatian ng sambahayan ng kanyang ama. Ang kanyang mga kamag-anak ay sa kanya aasa, parang mga sisidlan, mga kopa at palayok na nakasabit.