Nakakaawa ang Samaria, na ang katulad ay koronang bulaklak na karangalan ng mga lasenggong pinuno ng Israel. Ang lungsod ng Samaria ay nasa matabang lambak, pero ang kanyang kagandahan ay mawawala katulad ng bulaklak na nalalanta.
Makinig kayo! Ang Panginoon ay may inihahandang malakas at makapangyarihang bansa na wawasak sa Samaria. Katulad ito ng mapaminsalang bagyo at rumaragasang baha.
Ang lungsod na ito ay nasa matabang lambak, pero ang kagandahan nito ay mawawala katulad ng bulaklak na nalalanta. Malalagas agad ito katulad ng unang mga bunga ng igos na kinukuha at kinakain agad ng bawat makakita.
Pero ngayon, pasuray-suray ang mga pari at mga propeta, at wala na sa tamang pag-iisip. Mali ang pagkakaunawa ng mga propeta sa mga pangitain, at hindi tama ang mga desisyon ng mga pari.
Kung kaya, tuturuan sila ng Panginoon ng paisa-isang letra, paisa-isang linya, at paisa-isang aralin. At sa paglalakad nilaʼy mabubuwal sila, masusugatan, mabibitag, at mahuhuli.
Sapagkat nagmamalaki kayo at nagsasabing, “Nakipagkasundo kami sa kamatayan para hindi kami mamatay, at nakipagkasundo kami sa lugar ng mga patay para hindi kami madala roon. Kung kaya, hindi kami mapapahamak kahit na dumating ang mga sakuna na parang baha, dahil sa kami ay umaasang maliligtas sa pamamagitan ng aming pagsisinungaling at pandaraya.”
Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Makinig kayo! Maglalagay ako ng batong pundasyon sa Zion, batong maaasahan, matibay, at mahalaga. Ang mga sumasampalataya sa kanya ay huwag maging padalos-dalos sa kanilang mga ginagawa.
Magiging walang kabuluhan ang pakikipagkasundo ninyo sa kamatayan at ang pakikipagkasundo ninyo sa lugar ng mga patay. Sapagkat mapapahamak kayo kapag dumating na ang mga sakuna na parang baha.
Ang totoo, sasalakay ang Panginoon katulad ng ginawa niya sa Bundok ng Perazim at sa Lambak ng Gibeon. Gagawin niya ang hindi inaasahan ng kanyang mga mamamayan.
Kaya ngayon, huwag na kayong mangutya, baka dagdagan pa niya ang parusa niya sa inyo. Sapagkat napakinggan ko mismo ang utos ng Panginoong Dios na Makapangyarihan na wawasakin niya ang inyong buong lupain.
Hindi baʼt kapag handa na ang lupa, sinasabuyan niya ng sari-saring binhi ang bawat bukid, katulad halimbawa ng mga pampalasa, trigo, sebada at iba pang mga binhi?
Ang trigo na ginagawang tinapay ay madaling madurog kaya hindi niya ito gaanong ginigiik. Ginagamitan niya ito ng karitong panggiik, pero sinisiguro niyang hindi ito madudurog.