Sinabi ni Yahweh, “Kawawa ang mga suwail na anak, na ang ginagawa'y hindi ayon sa aking kalooban; nakikipagkaisa sila sa iba nang labag sa aking kagustuhan, palala nang palala ang kanilang kasalanan.
mapapahiya lamang kayong lahat, dahil sa mga taong walang pakinabang, hindi naman tumutulong at hindi rin maaasahan, wala silang matatamo kundi kabiguan at kahihiyan.”
Ito ang mensahe ng Diyos tungkol sa mga hayop sa katimugang disyerto: Sa lupain ng kaguluhan at dalamhati, sa lugar na pinamamahayan ng mga leon, ng mga ulupong at mga lumilipad na dragon; ikinakarga nila ang kanilang kayamanan sa mga asno at mga kamelyo, upang ibigay sa mga taong walang maitutulong.
Halika, at isulat mo sa isang aklat, kung anong uri ng mga tao sila; upang maging tagapagpaalala magpakailanman, kung gaano kalaki ang kanilang kasalanan.
Sinasabi nila sa mga tagapaglingkod, “Huwag kayong magsasabi ng katotohanan.” At sa mga propeta, “Huwag kayong magpapahayag ng tama. Mga salitang maganda sa aming pandinig ang inyong banggitin sa amin, at ang mga hulang hindi matutupad.
Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, “Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin; kayo'y aking palalakasin at patatatagin.” Ngunit kayo'y tumanggi.
Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan; sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan; mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.
Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan naman ay manginginain sa malawak na pastulan.
Magliliwanag ang buwan na animo'y araw, at ang araw nama'y magliliwanag nang pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito'y mangyayari sa araw na gamutin at pagalingin ni Yahweh ang sugat ng kanyang bayan.
Tingnan ninyo, dumarating na si Yahweh, nag-aapoy sa galit, sa gitna ng mga ulap; ang mga labi niya'y nanginginig sa galit, at ang dila niya'y tila apoy na nagliliyab.
Magpapadala siya ng malakas na hangin na tila bahang tumatangay sa lahat ng madaanan. Wawasakin nito ang mga bansa at wawakasan ang kanilang masasamang panukala.
Masaya kayong aawit sa pagdiriwang ninyo sa gabi ng banal na kapistahan. At sa himig ng tugtog ng plauta, aakyat kayong masaya sa bundok ni Yahweh, ang tagapagtanggol ng Israel.
Maririnig ang makapangyarihang tinig ni Yahweh at makikita ang pinsalang idudulot ng kanyang kamay dahil sa tindi ng galit na parang apoy na tumutupok at hanging rumaragasa kung may malakas na bagyo.
Matagal nang nakahanda ang lugar na pagsusunugan sa hari, isang maluwang at malalim na lugar. Hindi mamamatay ang apoy dito at hindi rin mauubos ang panggatong. Ang hininga ni Yahweh na parang nag-aalab na asupre ang patuloy na magpapalagablab sa sunugang iyon.