ito ay mamumulaklak nang sagana, at magsasaya na may kagalakan at awitan. Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay ibibigay rito, ang karilagan ng Carmel at ng Sharon. Kanilang makikita ang kaluwalhatian ng PANGINOON, ang karilagan ng ating Diyos.
Inyong sabihin sa kanila na may matatakuting puso, "Kayo'y magpakatapang, huwag kayong matakot! Narito tingnan mo, ang inyong Diyos ay darating na may paghihiganti, na may ganti ng Diyos. Siya'y darating at ililigtas kayo."
kung magkagayo'y lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan. Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig, at batis sa disyerto.
At ang tigang na lupa ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay magiging mga bukal ng tubig; ang tahanan ng mga asong-gubat ay magiging latian, ang damo ay magiging mga tambo at mga yantok.
At magkakaroon doon ng lansangan isang daanan, At ito'y tatawaging ang Daan ng Kabanalan; ang marumi ay hindi daraan doon; ngunit ito'y para sa kanya na lumalakad sa daang iyon, at ang mga hangal ay hindi maliligaw roon.
At ang mga tinubos ng PANGINOON ay magbabalik, at darating sa Zion na nag-aawitan; walang hanggang kagalakan ay mapapasa kanilang mga ulo; sila'y magtatamo ng kasayahan at kagalakan, at ang kalungkutan at ang pagbubuntung-hininga ay maglalaho.