Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Hezekias at nasa bingit na ng kamatayan, kaya siya'y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ni Yahweh, “Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling; mamamatay ka na.”
“O Yahweh, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko'y pawang nakalulugod sa iyong paningin.” Pagkatapos, nanangis siya nang malakas.
Ang sabi sa kanya, “Sabihin mo kay Hezekias ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng iyong ninunong si David: ‘Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya dadagdagan ko pa ng labinlimang taon ang iyong buhay.
“Minsa'y nasabi kong sa katanghalian ng buhay, ako ay papanaw! Sa daigdig ng mga patay ako masasadlak, upang manatili doon sa buong panahon ng aking buhay.
Katulad ng toldang tirahan ng pastol, inalis na sa akin ang aking tahanan. Ang abang buhay ko'y pinuputol mo tulad ng tela sa isang tahian; ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
Ako'y lumuluha sa buong magdamag, hindi makatulog, parang nilalansag, parang nilalamon ng leon ang aking buong katawan, ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
Tumataghoy ako dahil sa hirap, parang isang kalapating nakakaawa. Ang mga mata ko ay pagod na rin dahil sa pagtitig doon sa itaas. O Panginoon, sa kahirapang ito ako'y iyong iligtas.
Ang hirap na ito'y aking nalalaman, na tanging ako rin ang makikinabang. Iyong iniligtas ang buhay na ito, hindi mo hinayaang mahulog sa hukay, at pinatawad mo ako sa aking mga kasalanan.