Sinabi ni Yahweh, “Tumahimik kayo at makinig, kayo na nasa malalayong lupain! Pag-ibayuhin ninyo ang inyong lakas, at dalhin sa hukuman ang inyong usapin. Doon ang panig ninyo ay papakinggan upang malaman kung sino ang may katuwiran.
“Sino ang nagdala sa isang mananakop mula sa silangan, at nagbigay ng tagumpay sa lahat ng kanyang pakikipaglaban? Ang mga hari't mga bansa ay parang alikabok na lumilipad sa bawat hataw ng kanyang tabak; at parang dayaming tinatangay dahil sa kanyang pana.
Sinong nasa likod ng lahat ng ito? Sinong nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan mula sa pasimula? Akong si Yahweh, na naroon na noon pa man, at mananatili hanggang sa katapusan.
Sinabi ng mga karpintero sa mga panday-ginto, ‘Magandang trabaho!’ Hinangaan ng mga gumagawa ng rebulto ang mga nagkabit-kabit nito, at ang sabi, ‘Mahusay ang pagkahinang’; pagkatapos ay ipinako ang rebulto sa patungan nito.
Ikaw ay kinuha ko sa mga dulo ng daigdig; sa pinakamalalayong sulok nito, sinabi ko sa iyo noon, ‘Ikaw ay aking lingkod.’ Pinili kita at hindi itinakwil.
Sinabi pa ni Yahweh, “Israel, mahina ka man at maliit, huwag kang matakot, sapagkat tutulungan kita. Ako ang iyong tagapagligtas, ang banal na Diyos ng Israel.
Ihahagis mo sila at tatangayin ng hangin; pagdating ng bagyo ay pakakalatin. Magdiriwang kayo sa pangalan ni Yahweh, at pararangalan ang Banal na Diyos ng Israel.
“Kapag inabot ng matinding uhaw ang aking bayan, na halos matuyo ang kanilang lalamunan, akong si Yahweh ang gagawa ng paraan; akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya.
Magkakaroon ng ilog sa tigang na burol, aagos ang masaganang tubig sa mga libis; gagawin kong lawa ang disyerto, may mga batis na bubukal sa tuyong lupain.
Lumapit kayo at inyong hulaan ang mga mangyayari sa kinabukasan. Ipaliwanag ninyo sa harap ng hukuman, upang pagtuunan ng aming isipan, ang mga pangyayari sa kahapong nagdaan.
Maniniwala kaming kayo nga ay diyos kapag ang hinaharap inyong mahulaan. Kayo'y magpakita ng anumang gawang mabuti, o kahit masama, nang kami'y masindak o kaya'y manghina.
“Mayroon akong isang taong pinili mula sa silangan, at aking pinasasalakay mula sa hilaga. Parang lupang kanyang tatapakan ang mga hari, tulad ng pagmamasa sa putik na ginagawang palayok.
Mula sa simula sino sa inyo ang nakahula na ito'y mangyayari, para masabi naming siya ay tama? Walang sinabing anuman tungkol dito ang isa man sa inyo.