Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok.
Sapagkat ako si Yahweh na iyong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko ang Egipto, Etiopia at Sheba bilang pantubos sa iyo upang ikaw ay makalaya.
Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo! Titipunin ko kayo mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran, at ibabalik ko kayo sa inyong dating tahanan.
Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga na kayo'y palayain. Sasabihin ko rin sa mga bansa sa timog na huwag kayong pigilan, hayaan ninyong magbalik ang aking bayan, mula sa malalayong dako; mula sa lahat ng panig ng daigdig.
Tawagin ang mga bansa sa panahon ng paglilitis. Sino sa kanilang diyos ang makakahula sa mangyayari? Sino sa kanila ang nakahula sa nangyayari ngayon? Bayaan silang magharap ng mga saksi para patunayan ang kanilang sinasabi at patunayang sila ay tama.
Bayang Israel, ikaw ang saksi ko, pinili kita upang maging lingkod ko, upang makilala mo ako at manalig ka sa akin. Walang ibang Diyos maliban sa akin, walang nauna at wala ring papalit.
Noong una pa man ako'y nagpahayag na. Ako ang nagligtas sa iyo, at ang nagbalita ng lahat ng ito. Noon ay wala pa kayong kinikilalang ibang diyos; kayo ang mga saksi ko.
Sinabi pa ni Yahweh, ang Tagapagligtas, at Banal na Diyos ng Israel: “Magpapadala ako ng hukbo laban sa Babilonia alang-alang sa iyo. Gigibain ko ang mga pintuan ng kanyang lunsod at mauuwi lamang sa iyakan ang kasayahan ng mga tagaroon.
Siya ang nanguna upang malupig ang isang malaking hukbo. Nilipol niya ang kanilang mga kabayo. At ang kanilang mga karwahe'y winasak; sila'y nabuwal at hindi na nakabangon; parang isang ilaw na namatay ang dingas.”
Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay; ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita? Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto, at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.
Pararangalan ako maging ng mababangis na hayop gaya ng mga asong-gubat at mga ostrits, sapagkat nagpabukal ako ng tubig sa disyerto, upang may mainom ang mga taong hinirang ko.
Hindi ka na nagdadala ng mga tupang sinusunog bilang handog; hindi mo na ako pinaparangalan sa pamamagitan ng iyong mga hain. Hindi kita pinilit na maghandog sa akin, o pinahirapan man sa pagsusunog ng insenso.
Hindi mo ako ibinili ng mabangong insenso o kaya'y hinandugan man lang ng taba ng hayop. Sa halip ay gumawa ka ng maraming kasalanan, pinahirapan mo ako sa iyong kasamaan.