Paawitin ninyo ako sa aking pinakamamahal, ng awit ng aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan: Ang aking pinakamamahal ay may ubasan sa matabang burol.
Kanyang binungkal iyon at inalisan ng mga bato, at tinamnan ng piling puno ng ubas, nagtayo siya ng isang toreng bantayan sa gitna niyon, at humukay doon ng isang pisaan ng ubas; at kanyang hinintay na magbunga ng ubas, ngunit nagbunga ito ng ligaw na ubas.
Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan na hindi ko nagawa? Sino ang nakakaalam? Bakit, nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas, ito'y nagbunga ng ubas na ligaw?
Ngayo'y aking sasabihin sa inyo ang gagawin ko sa aking ubasan. Aking aalisin ang halamang-bakod niyon, at ito ay susunugin, aking ibabagsak ang pader niyon at ito'y magiging lupang yapakan.
Aking pababayaang sira; hindi aalisan ng sanga o bubungkalin man; magsisitubo ang mga dawag at mga tinik; akin ding iuutos sa mga ulap, na huwag nila itong paulanan ng ulan.
Sapagkat ang ubasan ng PANGINOON ng mga hukbo ay ang sambahayan ng Israel, at ang mga tao ng Juda ay ang kanyang maligayang pananim; at siya'y naghintay ng katarungan, ngunit narito, pagdanak ng dugo; ng katuwiran, ngunit narito, pagdaing!
Kahabag-habag sila na nagdudugtong ng bahay sa bahay, na nagdaragdag ng bukid sa bukid hanggang sa mawalan na ng pagitan, at kayo'y patirahing nag-iisa sa gitna ng lupain!
Kahabag-habag sila na bumabangong maaga sa umaga, upang sila'y makasunod sa nakalalasing na inumin; na nagpupuyat hanggang sa kalaliman ng gabi, hanggang sa mag-alab ang alak sa kanila!
Sila'y may lira at alpa, pandereta at plauta, at alak sa kanilang mga kapistahan; ngunit hindi nila pinahalagahan ang mga gawa ng PANGINOON, o minasdan man nila ang gawa ng kanyang mga kamay.
Kaya't ang aking bayan ay pupunta sa pagkabihag dahil sa kawalan ng kaalaman; ang kanilang mararangal na tao ay namamatay sa gutom, at ang napakarami nilang tao ay nalulugmok sa uhaw.
Kaya't pinalaki ng Sheol ang kanyang panlasa, at ibinuka nito ang kanyang bibig na hindi masukat, at ang kaluwalhatian ng Jerusalem, at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan, at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon.
na nagsasabi, "Pagmadaliin siya, madaliin niya ang kanyang gawain upang iyon ay aming makita; at dumating nawa ang layunin ng Banal ng Israel upang iyon ay aming malaman!"
Kahabag-habag sila na tinatawag na mabuti ang masama, at ang masama ay mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim; na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!
Kaya't kung paanong ang dila ng apoy ay tumutupok sa dayami, at ang tuyong damo ay natutupok sa liyab, magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat, at ang kanilang bulaklak ay papailanlang na gaya ng alabok; sapagkat kanilang itinakuwil ang tagubilin ng PANGINOON ng mga hukbo, at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.
Kaya't nag-alab ang galit ng PANGINOON laban sa kanyang bayan, at iniunat niya ang kanyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila, at ang mga bundok ay nayanig; at ang kanilang mga bangkay ay naging gaya ng dumi sa gitna ng mga lansangan. Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kanyang galit, kundi laging nakaunat ang kanyang kamay.
ang kanilang mga palaso ay matalas, at lahat nilang pana ay nakahanda ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay parang batong hasaan, at ang kanilang mga gulong ay parang ipu-ipo.
Ang kanilang ungal ay gaya ng sa leon, sila'y nagsisiungal na gaya ng mga batang leon; sila'y nagsisiungal, at nanghuhuli ng biktima, at kanilang tinatangay, at walang makapagliligtas.
Ang mga iyon ay uungal laban sa kanila sa araw na iyon na gaya ng ugong ng dagat. Kung may tumingin sa lupain, narito, kadiliman at kahirapan, at ang liwanag ay pinadilim ng mga ulap niyon.