Hinukay niya ang lupa at inalisan ng bato, mga piling puno ng mabuting ubas ang kanyang itinanim dito. Sa gitna'y nagtayo siya ng isang bantayan at nagpahukay pa ng balong pisaan. Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kanyang tanim ay magsipagbunga, ngunit bakit ang kanyang napitas ay maasim ang lasa?
Kaya ganito ang gagawin ko sa aking ubasan: Puputulin ko ang mga halamang nakapaligid dito at wawasakin ang bakod. Ito'y kakainin at sisirain ng mga hayop.
Pababayaan ko itong malubog sa mga tinik at damo; hindi ko babawasan ng labis na dahon at sanga, hindi ko bubungkalin ang paligid ng mga puno nito; at pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan.
Ang ubasang ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay walang iba kundi ang bayang Israel, at ang bayan ng Juda ang mga puno ng ubas na kanyang itinanim. Umasa siyang gagawa ito ng makatarungan, ngunit sa halip ay naging mamamatay-tao, inasahan niyang paiiralin nito'y katuwiran, ngunit panay pang-aapi ang kanilang ginawa.
Kawawa kayo na laging naghahangad ng maraming bahay at malawak na mga bukirin, hanggang mawalan na ng lugar ang ibang mga tao, at kayo na lamang ang naninirahan sa lupain.
Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: Maraming tirahan ang mawawasak; malalaki at magagandang mga tahanan, sira at wasak na ito'y iiwan.
Sa bawat walong ektaryang ubasan, dalawampu't dalawang litrong alak lamang ang makukuha; sa bawat sampung kabang inihasik, limang salop lamang ang aanihin.
Tugtog ng lira sa saliw ng alpa; tunog ng tamburin at himig ng plauta; saganang alak sa kapistahan nila; ngunit mga ginawa ni Yahweh ay hindi nila inunawa.
Ang daigdig ng mga patay ay magugutom; ibubuka nito ng maluwang ang kanyang bibig. Lulunukin nito ang mga maharlika ng Jerusalem, pati na ang karaniwang tao na nagkakaingay.
Sinasabi ninyo: “Pagmadaliin natin ang Diyos upang ating makita ang kanyang pagkilos; maganap na sana ang plano ng Banal na Diyos ng Israel, nang ito'y malaman natin.”
Kawawa kayo, mga baligtad ang isip! Ang mabuting gawa ay minamasama, at minamabuti naman iyong masama, ang kaliwanaga'y ginagawang kadiliman at ang kadilima'y itinuturing na kaliwanagan. Sa lasang mapait ang sabi'y matamis, sa lasang matamis ang sabi'y mapait.
Kaya kung paanong ang dayami ng trigo at ang tuyong damo ay sinusunog ng apoy, gayundin ang bulaklak nila'y parang alikabok na papaitaas; at ang ugat nila'y dagling mabubulok. Sapagkat tinalikuran nila ang batas ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, at ang salita ng Banal na Diyos ng Israel ay kanilang binaliwala.
Kaya dahil sa laki ng galit ni Yahweh, paparusahan niya ang kanyang sariling bayan. Mayayanig ang mga bundok; mga bangkay ay mangangalat na parang mga basurang sa lansanga'y sasambulat. Ngunit ang poot niya'y hindi pa mawawala, kanyang mga kamay handa pa ring magparusa.
Matutulis ang kanilang panudla, at nakabanat ang kanilang mga pana; ang kuko ng kanilang kabayo'y sintigas ng bakal at parang ipu-ipo ang kanilang mga karwahe.
Sa araw na iyon ay sisigawan nila ang Israel na parang ugong ng dagat. At pagtingin nila sa lupain, ito'y balot ng dilim at pighati; at ang liwanag ay natakpan na ng makapal na ulap.