Kayo'y makinig sa akin, kayong sumusunod sa katuwiran kayong naghahanap sa PANGINOON; tumingin kayo sa malaking bato na inyong pinagtapyasan, at sa tibagan na pinaghukayan sa inyo.
Tingnan ninyo si Abraham na ama ninyo, at si Sara na nagsilang sa inyo; sapagkat nang siya'y iisa ay tinawag ko siya, at pinagpala ko at pinarami siya.
Sapagkat aaliwin ng PANGINOON ang Zion; kanyang aaliwin ang lahat niyang sirang dako, at gagawin niyang parang Eden ang kanyang ilang, ang kanyang disyerto na parang halamanan ng PANGINOON; kagalakan at kasayahan ay matatagpuan doon, pagpapasalamat at tinig ng awit.
"Makinig ka sa akin, bayan ko; at pakinggan mo ako, bansa ko. Sapagkat magmumula sa akin ang isang kautusan, at ang aking katarungan bilang liwanag sa mga bayan.
Ang aking katuwiran ay malapit na, ang aking kaligtasan ay humayo na, at ang aking mga bisig ay hahatol sa mga bayan; ang mga pulo ay naghihintay saakin, at sa aking bisig ay umaasa sila.
Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit, at tingnan ninyo ang lupa sa ibaba; sapagkat ang langit ay mapapawing parang usok, at ang lupa ay malulumang parang bihisan; at silang naninirahan doon ay mamamatay sa gayunding paraan. Ngunit ang pagliligtas ko ay magpakailanman, at hindi magwawakas ang aking katuwiran.
"Makinig kayo sa akin, kayong nakakaalam ng katuwiran, ang bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan. Huwag ninyong katakutan ang pagkutya ng mga tao, at huwag kayong mabalisa sa kanilang mga paglait.
Sapagkat sila'y lalamunin ng bukbok na parang bihisan, at kakainin sila ng uod na parang balahibo ng tupa; ngunit ang aking katuwiran ay magiging magpakailanman, at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng salinlahi."
Gumising ka, gumising ka, magpakalakas ka, O bisig ng PANGINOON. Gumising ka na gaya nang araw noong una, nang mga lahi ng mga dating panahon. Hindi ba ikaw ang pumutol ng Rahab, na sumaksak sa dragon?
At ang mga tinubos ng PANGINOON ay babalik, at darating na may awitan sa Zion; at nasa kanilang mga ulo ang walang hanggang kagalakan, sila'y magtatamo ng kasayahan at kagalakan; at tatakas ang kalungkutan at pagbubuntung-hininga.
at iyong kinalimutan ang PANGINOON na iyong Manlalalang, na nagladlad ng mga langit, at siyang naglagay ng mga pundasyon ng lupa, at ikaw ay laging natatakot sa buong araw dahil sa bagsik ng mang-aapi, kapag siya'y naghahanda upang mangwasak? At saan naroon ang bagsik ng mang-aapi?
At inilagay ko ang aking mga salita sa bibig mo, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay upang mailadlad ang mga langit, at upang maitatag ang lupa, at sinasabi sa Zion, 'Ikaw ay aking bayan.'"
Gumising ka, gumising ka, tumayo ka, O Jerusalem. Ikaw na uminom sa kamay ng PANGINOON sa kopa ng kanyang poot, na iyong sinaid ang kopa ng pampasuray.
Ang iyong mga anak ay nanlupaypay, sila'y nahihiga sa dulo ng bawat lansangan, na gaya ng isang usa sa isang lambat; sila'y puspos ng poot ng PANGINOON, ng saway ng iyong Diyos.
Ganito ang sabi ng iyong Panginoon, ang PANGINOON, ang iyong Diyos na nagsasanggalang ng usapin ng kanyang bayan: "Narito, aking inalis sa iyong kamay ang kopa na pampasuray; ang kopa ng aking poot; hindi ka na muling iinom.
At aking ilalagay ito sa kamay ng mga nagpapahirap sa iyo, na nagsabi sa iyong kaluluwa, 'Ikaw ay yumuko upang kami ay makaraan'; at ginawa mo ang iyong likod na parang lupa, at parang lansangan na kanilang madaraanan."