Gumising ka, gumising ka! Magsuot ka ng iyong kalakasan, O Zion. Magsuot ka ng iyong magagandang damit, O Jerusalem, ang banal na lunsod, sapagkat ang hindi tuli at ang marumi ay hindi na muling papasok sa iyo.
Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Ehipto upang makipamayan doon, at inapi sila ng mga taga-Asiria ng walang kadahilanan.
Ngayon anong ginagawa ko rito, sabi ng PANGINOON. Yamang ang aking bayan ay dinala nang walang dahilan? Ang mga namumuno sa kanila ay umuungal, sabi ng PANGINOON, at ang aking pangalan ay laging hinahamak sa buong araw.
Napakaganda sa mga bundok ang mga paa niyong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita ng kabutihan, na naghahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Zion, "Ang iyong Diyos ay naghahari!"
Pakinggan mo! Inilakas ng mga bantay ang kanilang tinig, na magkakasamang nagsisiawit sa kagalakan; sapagkat makikita ng sarili nilang mga mata ang pagbalik ng PANGINOON sa Zion.
Magalak kayong bigla, kayo'y umawit na magkakasama, kayong mga sirang dako ng Jerusalem; sapagkat inaliw ng PANGINOON ang kanyang bayan, kanyang tinubos ang Jerusalem.
Sapagkat kayo'y hindi lalabas na nagmamadali, o lalabas man kayo dahil sa pagtakas, sapagkat ang PANGINOON ay mauuna sa inyo; at ang Diyos ng Israel ay magiging inyong bantay sa likod.
Kung paanong marami ang namangha sa kanya — ang kanyang anyo ay napinsalang lubha, halos hindi na anyo ng tao, na hindi makilalang tao, at ang kanyang hugis ay higit kaysa sa mga anak ng mga tao —
gayon siya magwiwisik sa maraming bansa; ititikom ng mga hari ang kanilang mga bibig dahil sa kanya; sapagkat ang hindi nasabi sa kanila ay kanilang makikita, at ang hindi nila narinig ay kanilang mauunawaan.