na pumunta ako sa Jerusalem at ipahayag ito sa lahat ng naroroon: “Natatandaan ko ang iyong katapatan noong bata ka pa, ang iyong pagmamahal nang tayo'y ikasal; sinundan mo ako sa gitna ng disyerto, sa gitna ng lupaing walang tanim na anuman.
Ikaw, Israel, ay para kay Yahweh, ang pinakamainam na bahagi ng kanyang ani; pahihirapan ang sinumang mananakit sa iyo; darating sa kanila ang mga kaguluhan. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
Sinasabi ni Yahweh: “Ano ba ang nagawa kong kamalian at ako'y tinalikdan ng inyong mga magulang? Sumamba sila sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan kaya sila'y naging walang kabuluhan din.
Hindi nila ako naalala kahit ako ang nagpalaya sa kanila mula sa Egipto; pinatnubayan ko sila sa malawak na disyerto, sa mga lupaing baku-bako't maburol, sa isang tuyo at mapanganib na lugar, na walang naninirahan at nagnanais dumaan.
Dinala ko sila sa isang mayamang lupain, upang tamasahin nila ang kasaganaan niyon. Ngunit dinungisan nila ang ibinigay kong lupain dahil sa karumal-dumal nilang mga gawain.
Hindi man lamang nagtatanong ang mga pari, ‘Nasaan si Yahweh?’ Hindi ako nakikilala ng mga dalubhasa sa Kautusan, hindi sumusunod sa akin ang mga pinuno; nangangaral ang mga propeta sa pangalan ni Baal, sumasamba at naglilingkod sa mga diyus-diyosan.
Mayroon bang bansa na nagpalit ng kanyang mga diyos, kahit na ang mga ito ay hindi naman talagang diyos? Ngunit ipinagpalit ako ng bayang aking pinarangalan, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosang wala namang kabutihang magagawa para sa kanila.
Dalawa ang kasalanan ng aking bayan: Tinalikuran nila ako, ako na bukal na nagbibigay-buhay, at humukay sila ng mga balon, ngunit mga balong butas na walang naiipong tubig.
Ano ang mapapala mo sa pagpunta sa Egipto? Ang makainom ng tubig sa Ilog Nilo? Ano ang inaasahan mong makukuha sa Asiria? Ang makainom ng tubig sa Ilog Eufrates?
Paparusahan ka ng sarili mong kasamaan. Ipapahamak ka ng iyong pagtalikod sa akin. Mararanasan mo kung gaano kapait at kahirap ang mawalan ng takot at tumalikod kay Yahweh na iyong Diyos. Ako, ang Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang nagsasabi nito.
“Matagal mo nang itinakwil ang kapangyarihan ko, Israel, at ako'y ayaw mong sundin sapagkat ang sabi mo, ‘Hindi ako maglilingkod.’ Ngunit sa ibabaw ng bawat mataas na burol, at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy, ikaw ay sumamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng babaing nagbebenta ng sarili.
Maganda ka noon nang aking itanim, mula sa pinakamalusog na binhi ng ubas. Tingnan mo ngayon ang naging buhay mo! Para kang ubas na ligaw, nabubulok ang bunga at walang pakinabang!
Kahit maghugas ka pa, at gumamit ng pinakamatapang na sabon, mananatili pa rin ang mantsa ng iyong kasalanan; hindi mo iyan maitatago sa akin, ang Panginoong Yahweh ang nagsasalita.
Masasabi mo bang hindi nadumihan ang iyong sarili, at hindi ka sumamba sa diyus-diyosang si Baal? Napakalaki ng kasalanang nagawa mo doon sa libis. Para kang batang kamelyo na hindi mapigilan, takbo nang takbo at nagwawala.
Tulad mo'y babaing asno na masidhi ang pagnanasa; walang makapigil kapag ito'y nag-iinit. Hindi na dapat mag-alala ang lalaking asno; ika'y nakahanda sa lahat ng oras.
Israel, huwag mong bayaan na ika'y magyapak o matuyo ang lalamunan at mamalat. Ngunit ang tugon mo, ‘Ano pa ang kabuluhan? Mahal ko ang ibang mga diyos, at sila ang aking sasambahin at paglilingkuran.’
“Tulad ng magnanakaw na napapahiya kapag nahuli, kayong lahat na sambahayan ni Israel ay mapapahiyang gaya niya; ang inyong mga hari at mga pinuno, mga pari at mga propeta.
Mapapahiya kayong lahat na nagsasabi sa punongkahoy, ‘Ikaw ang aking ama,’ at sa bato, ‘Ikaw ang aking ina.’ Mangyayari ito sapagkat itinakwil ninyo ako, sa halip na kayo'y maglingkod sa akin. Ngunit kung kayo naman ay naghihirap, hinihiling ninyong iligtas ko kayo.
“Nasaan ang mga diyus-diyosang inyong ginawa? Tingnan natin kung kayo'y maililigtas nila sa oras ng inyong pangangailangan. Juda, sindami ng iyong lunsod ang iyong mga diyos.
Pakinggan ninyong mabuti ang sinasabi ko. Wala ba kayong napakinabangan sa akin? Ako ba'y naging parang tigang na lupa sa inyo? Bakit sinasabi ninyong malaya na kayong gawin ang inyong maibigan, at hindi na kayo babalik sa akin?
Malilimutan ba ng dalaga ang kanyang mga alahas, o ng babaing ikakasal ang kanyang damit pangkasal? Subalit ako'y kinalimutan ng sarili kong bayan nang napakahabang panahon.
Ang kasuotan mo'y tigmak sa dugo ng dukha at walang malay, sa dugo ng mga taong kailanman ay hindi pumasok sa iyong tahanan. “Subalit sa kabila ng lahat ng ito'y sinasabi mo,
Mabibigo ka rin sa Egipto, iiwan mo siyang taglay ang kahihiyan. Sapagkat itinakwil ni Yahweh ang iyong pinagkatiwalaan, at hindi ka nila mabibigyan ng tagumpay.”