Sapagkat darating na ang panahon na palalayain ko ang aking bayan, ang Israel at ang Juda, at ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno; ito'y magiging kanila muli.”
Isipin mong mabuti: Maaari bang manganak ang isang lalaki? Bakit hawak-hawak ng bawat lalaki ang kanyang tiyan, tulad ng isang babaing manganganak? Bakit namumutla ang kanilang mga mukha?
“Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “babaliin ko ang pamatok sa kanilang mga leeg at kakalagin ko ang kanilang tali; hindi na sila aalipinin ng mga dayuhan.
“Ngunit huwag kang matakot, lingkod kong Jacob; at huwag kang manlupaypay, Israel. Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon; kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak. Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob, at siya'y sasagana at wala nang katatakutan.
Ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo. Lilipulin ko ang lahat ng bansang pinagkalatan ko sa inyo; subalit kayo'y hindi malilipol. Paparusahan ko kayo nang marapat, ngunit ako'y magiging makatarungan sa inyo.”
Nilimot ka na ng lahat mong mangingibig; wala na silang malasakit sa iyo. Sinaktan kita, gaya ng isang kaaway, buong lupit kitang pinarusahan; sapagkat matindi ang iyong kasamaan at napakarami mong kasalanan.
Huwag ka nang umiyak dahil sa iyong sakit; wala nang lunas ang sugat mo. Ginawa ko ito sa iyo sapagkat matindi ang iyong kasamaan at napakarami mong kasalanan.
Gayunman, lahat ng umapi sa iyo ay aapihin; lahat ng iyong kaaway ay bibihagin din. Nanakawan ang nagnakaw ng kayamanan mo. Ang bumiktima sa iyo ay bibiktimahin din.
Sinabi pa ni Yahweh: “Muli kong ibabalik ang kasaganaan sa lipi ni Jacob. Kahahabagan ko ang buong sambahayan niya. Ang lunsod na winasak ay muling itatayo, at muling itatayo ang bawat gusali.
Lilitaw ang isang pinuno na mula rin sa kanila. Aanyayahan ko siya kaya siya nama'y lalapit sa akin, sapagkat walang mangangahas na lumapit sa akin kung hindi inanyayahan.