Ang sabi ni Yahweh: “Umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob, ipagbunyi ninyo ang pinakadakilang bansa; magpuri kayo at inyong ipahayag na iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan, ang mga nalabi sa Israel.
Narito, sila'y ibabalik ko mula sa hilaga; titipunin ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan, kasama ang mga bulag at mga pilay, ang mga inang may anak na pasusuhin, pati ang malapit nang manganak; sila'y babalik na talagang napakarami!
Uuwi silang nag-iiyakan habang daan, nananalangin samantalang inaakay ko pabalik. Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig, pararaanin sa patag na landas upang hindi sila madapa. Sapagkat ang Israel ay aking anak, at si Efraim ang aking panganay.”
“Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ni Yahweh, at ipahayag ninyo sa malalayong lupain: ‘Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila'y muli kong titipunin at aalagaan, gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.’
Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Zion, puspos ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ni Yahweh: saganang trigo, bagong alak at langis, at maraming bakahan at kawan ng tupa. Matutulad sila sa isang halamanang dinidilig, hindi na sila muling magkukulang.
Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga, makikigalak pati mga binata't matatanda; ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa, aaliwin ko sila at papalitan ng kagalakan ang kanilang kalungkutan.
Sinabi ni Yahweh: “Narinig sa Rama ang isang tinig— panaghoy at mapait na pagtangis tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak. Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”
Sinasabi ni Yahweh: “Itigil na ninyo ang inyong pag-iyak, huwag na kayong lumuha; sapagkat gagantimpalaan ang inyong mga ginawa, babalik sila mula sa lupain ng kaaway.
“Narinig kong nananaghoy ang mga taga-Efraim: ‘Pinarusahan ninyo kami na parang mga guyang hindi pa natuturuan. Ibalik ninyo kami nang kami'y gumaling, sapagkat kayo si Yahweh na aming Diyos.
Tumalikod kami sa inyo ngunit ngayo'y nagsisisi na; natuto kami matapos ninyong parusahan. Napahiya kami't nalungkot dahil nagkasala kami sa panahon ng aming kabataan.’
“Si Efraim ang aking anak na minamahal, ang anak na aking kinalulugdan. Kung gaano kadalas ko siyang pinaparusahan, gayon ko siya naaalaala. Kaya hinahanap ko siya, at ako'y nahahabag sa kanya.” Ito ang sabi ni Yahweh.
Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Muling sasabihin ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa kanyang mga lunsod, kapag ibinalik ko na sila sa kanilang tahanan: ‘Pagpapalain ni Yahweh ang bundok na banal ng Jerusalem, na kanyang tinatahanan.’
Kung paano ako naging maingat nang sila'y aking ibagsak, bunutin, sirain, saktan, at lipulin, buong ingat ko rin silang itatanim at itatatag. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
Ito'y hindi tulad ng kasunduang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagama't para akong isang asawa sa kanila, sinira nila ang kasunduang ito.
Ganito ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko ito sa kanilang mga puso. Ako ang kanilang magiging Diyos at sila ang aking magiging bayan.
Hindi na nila kailangang turuan ang isa't isa at sabihing, ‘Kilalanin mo si Yahweh’; sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang kasalanan at kalilimutan ko na ang kanilang kasamaan.”
Si Yahweh ang naglagay ng araw upang lumiwanag sa maghapon, at ng buwan at mga bituin upang tumanglaw sa magdamag; siya ang nagpapagalaw sa dagat kaya umuugong ang mga alon; ang pangalan niya'y Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!
“Kung masusukat ang kalangitan o maaarok ang kalaliman ng lupa, maaari kong itakwil ang buong Israel dahil sa lahat ng kanilang ginawa.” Ito'y nagmula sa bibig ni Yahweh.
Ang buong libis na pinagtatapunan ng mga bangkay at abo, gayon din ang lahat ng bukirin sa itaas ng batis ng Kidron hanggang sa Pintuang Labasan ng mga Kabayo sa gawing silangan, ay itatalaga sa akin. Hindi na mawawasak o masasakop ninuman ang lunsod na ito.”