×

Magandang Balita Biblia

Jeremias 47

1
Ito ang pahayag na tinanggap ni Jeremias kay Yahweh tungkol sa mga Filisteo bago sinalakay ni Faraon ang Gaza:
2
“Tumataas ang tubig sa hilaga, at babaha, ito'y aapaw sa buong lupain; magpapasaklolo ang mga tao, maghihiyawan sa matinding takot.
3
Maririnig ang ingay ng yabag ng mga kabayo, ang paghagibis ng mga karwahe! Hindi na maaalala ng mga magulang ang kanilang mga anak; manghihina ang kanilang mga kamay,
4
sapagkat dumating na ang araw ng pagkawasak ng mga Filisteo. Ang pinakahuling magtatanggol sa Tiro at Sidon ay babagsak; sapagkat lilipulin ni Yahweh ang mga Filisteo, ang nalabi sa baybayin ng Caftor.
5
Parang kinalbo ang Gaza; pinatahimik ang Ashkelon. Hanggang kailan magluluksa ang mga Filisteo?
6
Kailan pa magpapahinga ang tabak ni Yahweh? Lumigpit ka na sa kaluban, at doon manahimik!
7
Paano naman itong mapapahinga? Hindi pa tapos ang gawaing itinakda sa kanya ni Yahweh laban sa Ashkelon at sa kapatagang malapit sa dagat; doon nakatakda ang gawain nito.”
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society
:
I-save ang Mga Tala