Si Zedekias ay dalawampu't isang taon nang siya'y maging hari; at siya'y nagharing labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal, na anak ni Jeremias na taga-Libna.
Sapagkat talagang ginalit ng Jerusalem at Juda ang PANGINOON kaya't sila'y pinalayas niya sa kanyang harapan. At si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia.
At nangyari, nang ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, nang ikasampung buwan, nang ikasampung araw ng buwan, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo ay dumating laban sa Jerusalem. Kinubkob nila ito at sila'y nagtayo ng mga pangkubkob sa palibot niyon.
Nang magkagayo'y gumawa ng butas sa lunsod at lahat ng lalaking mandirigma ay nagsitakas at lumabas sa lunsod nang kinagabihan sa daan ng pintuan sa pagitan ng dalawang pader, na nasa tabi ng halamanan ng hari, samantalang ang mga Caldeo ay nakapalibot sa lunsod. At sila'y tumakas patungong Araba.
Pagkatapos ay kanyang dinukot ang mga mata ni Zedekias at ginapos siya sa mga tanikala. Dinala siya sa Babilonia ng hari ng Babilonia, at ibinilanggo siya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Nang ikalimang buwan, nang ikasampung araw ng buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ni Haring Nebukadnezar, hari ng Babilonia, pumasok sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng bantay na naglingkod sa hari ng Babilonia.
Pagkatapos ay dinalang bihag ni Nebuzaradan na pinuno ng bantay ang ilan sa pinakadukha sa bayan at ang nalabi sa mga tao na naiwan sa lunsod at ang mga takas na tumakas patungo sa hari ng Babilonia, kasama ng nalabi sa mga manggagawa.
At ang mga haliging tanso na nasa bahay ng PANGINOON, ang mga tuntungan, at ang dagat-dagatang tanso na nasa bahay ng PANGINOON, ay pinagputul-putol ng mga Caldeo, at dinala ang lahat ng tanso sa Babilonia.
Tinangay nila ang mga palayok, mga pala, mga gunting, mga palanggana, at ang mga pinggan para sa mga insenso, at lahat ng sisidlang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo;
gayundin ang maliliit na mangkok, mga apuyan, mga palanggana, mga palayok, mga ilawan, mga pinggan para sa insenso at mga inumang mangkok. Lahat ng yari sa ginto at pilak ay dinalang lahat ng kapitan ng bantay.
Tungkol sa dalawang haligi, ang dagat-dagatan, at ang labindalawang torong tanso na nasa ilalim, at ang mga patungan na ginawa ni Haring Solomon para sa bahay ng PANGINOON, ang tanso ng lahat ng mga bagay na ito ay hindi matimbang.
At tungkol sa mga haligi, ang taas ng isang haligi ay labingwalong siko; ang pabilog na sukat nito ay labindalawang siko, at ang kapal nito'y apat na daliri, at ito'y may guwang sa loob.
Sa ibabaw nito ay isang kapitel na tanso; at ang taas ng isang kapitel ay limang siko, na yaring nilambat at may mga granada sa kapitel sa palibot na yari sa tanso. Ang ikalawang haligi naman ay mayroong gaya ng mga ito, at mga granada.
Mula sa lunsod ay kinuha niya ang isang namahala sa mga lalaking mandirigma, at pitong lalaki mula sa sanggunian ng hari na natagpuan sa lunsod, ang kalihim ng pinuno ng hukbo na nagtipon sa mga tao ng lupain, at animnapung katao sa taong-bayan ng lupain na nasa gitna ng lunsod.
Nang ikadalawampu't tatlong taon ni Nebukadnezar, si Nebuzaradan na pinuno ng bantay ay nagdala ng bihag na mga Judio na pitong daan at apatnapu't limang katao; lahat-lahat ay apat na libo at animnaraang katao.
Nang ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Jehoiakin na hari ng Juda, nang ikadalawampu't limang araw ng ikalabindalawang buwan, si Evilmerodac na hari ng Babilonia, nang unang taon na siya ay maging hari, ay nagpakita ng kabutihan kay Jehoiakim na hari ng Juda at kanyang inilabas siya sa bilangguan.
At tungkol sa kanyang gastusin, binigyan siya ng hari ng gastusin ayon sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan, habang siya ay nabubuhay, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.