|
| 1 |
|
| Naranasan ko kung gaano kahirap ang maparusahan ng Diyos. |
|
| 2 |
|
| Itinaboy niya ako sa lugar na wala kahit bahagyang liwanag. |
|
| 3 |
|
| Walang awa niya akong hinahampas sa buong maghapon. |
|
| 4 |
|
| Tadtad ng sugat ang buo kong katawan at bali-bali ang aking mga buto. |
|
| 5 |
|
| Ibinilanggo niya ako sa kalungkutan at pagdurusa. |
|
| 6 |
|
| Isinadlak niya ako sa kadiliman, laging nasa bingit ng kamatayan. |
|
| 7 |
|
| Ginapos niya ako para hindi makatakas, pinalibutan ako ng pader na mataas. |
|
| 8 |
|
| Nanambitan man ako at humingi ng tulong, hindi niya dininig ang aking dalangin. |
|
| 9 |
|
| Susuray-suray ako sa tindi ng hirap, at kahit saan ako bumaling ay may pader na nakaharang. |
|
| 10 |
|
| Siya'y parang osong nag-aabang sa akin; at parang leong nag-aantay. |
|
| 11 |
|
| Hinabol niya ako saka niluray; at iniwang nakahandusay. |
|
| 12 |
|
| Iniakma niya ang kanyang pana, at ako ang ginawang tudlaan. |
|
| 13 |
|
| Tinamaan ako sa aking puso ng kanyang mga palaso. |
|
| 14 |
|
| Buong araw ako'y pinagtatawanan; sa mga kwentuhan ako ay biruan. |
|
| 15 |
|
| Pawang kapaitan at kalungkutan ang ipinalasap niya sa akin. |
|
| 16 |
|
| Inginudngod niya sa lupa ang aking mukha at idinikdik sa bato ang aking bibig. |
|
| 17 |
|
| Naglaho sa akin ang bakas ng kalusugan, maging kapayapaan at kaligayahan man. |
|
| 18 |
|
| Kaya't sinasabi ko, “Nawala na ang aking lakas at ang aking pag-asa kay Yahweh.” |
|
| 19 |
|
| Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan. |
|
| 20 |
|
| Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati. |
|
| 21 |
|
| Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong: |
|
| 22 |
|
| Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay. |
|
| 23 |
|
| Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila. |
|
| 24 |
|
| Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala. |
|
| 25 |
|
| Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya, |
|
| 26 |
|
| kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala. |
|
| 27 |
|
| At mabuti sa isang tao na siya'y matutong magtiyaga mula sa kanyang kabataan. |
|
| 28 |
|
| Kung siya'y palasapin ng kahirapan, matahimik siyang magtiis at maghintay; |
|
| 29 |
|
| siya'y magpakumbaba sa harapan ni Yahweh, at huwag mawalan ng pag-asa. |
|
| 30 |
|
| Tanggapin ang lahat ng pananakit at paghamak na kanyang daranasin. |
|
| 31 |
|
| Mahabagin si Yahweh at hindi niya tayo itatakwil habang panahon. |
|
| 32 |
|
| Bagaman siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang kanyang pag-ibig. |
|
| 33 |
|
| Hindi niya ikatutuwang tayo'y saktan o pahirapan. |
|
| 34 |
|
| Hindi nalilingid kay Yahweh kung naghihirap ang ating kalooban, |
|
| 35 |
|
| maging ang ating karapatan, kung tayo'y pagkaitan. |
|
| 36 |
|
| Kung ang katarungan ay hayagang tinutuya, siguradong si Yahweh ay hindi magpapabaya. |
|
| 37 |
|
| Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh. |
|
| 38 |
|
| Nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang masama at mabuti. |
|
| 39 |
|
| Bakit tayo magrereklamo kapag tayo'y pinaparusahan kung dahil naman ito sa ating mga kasalanan? |
|
| 40 |
|
| Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh! |
|
| 41 |
|
| Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin: |
|
| 42 |
|
| “Kami'y nagkasala at naghimagsik, at hindi mo kami pinatawad. |
|
| 43 |
|
| “Sa iyong matinding galit ay hinabol mo kami at walang awang pinatay. |
|
| 44 |
|
| Ang galit mo'y tila makapal na ulap na hindi malampasan ng aming mga dalangin. |
|
| 45 |
|
| Ginawa mo kaming tambakan ng kasamaan ng sanlibutan. |
|
| 46 |
|
| “Kinukutya kami ng aming mga kaaway; |
|
| 47 |
|
| nagdaan na kami sa pagkawasak at kapahamakan, naranasan namin ang mabingit sa panganib at manginig sa takot. |
|
| 48 |
|
| Hindi mapigil ang pagbalong ng aking mga luha, dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan. |
|
| 49 |
|
| “Walang tigil ang pagdaloy ng aking mga luha, |
|
| 50 |
|
| hanggang si Yahweh ay tumunghay mula sa langit at kami'y lingapin. |
|
| 51 |
|
| Nagdadalamhati ako dahil sa sinapit ng mga kababaihan sa aking lunsod. |
|
| 52 |
|
| “Para akong ibong binitag ng aking mga kaaway, gayong wala silang dahilan upang kamuhian ako. |
|
| 53 |
|
| Ako'y inihulog nila nang buháy sa isang balon, at tinakpan ng bato ang bunganga nito. |
|
| 54 |
|
| Lumubog ako sa tubig, at nasabi ko, ‘Wala na akong pag-asang mabuhay pa.’ |
|
| 55 |
|
| “O Yahweh, tinawag ko ang iyong pangalan nang ako'y nasa kailaliman ng balon; |
|
| 56 |
|
| narinig mo ang aking samo, ‘Huwag mong takpan ang iyong pandinig sa aking paghingi ng tulong!’ |
|
| 57 |
|
| Nilapitan mo ako nang ika'y tawagan ko; sinabi mo sa akin, ‘Huwag kang matakot!’ |
|
| 58 |
|
| “Tinulungan mo ako, Yahweh, at iniligtas mo ang aking buhay. |
|
| 59 |
|
| Hindi kaila sa iyo ang kasamaang ginawa nila sa akin; bigyan mo ako ng katarungan. |
|
| 60 |
|
| Nakita mo ang kanilang paghihiganti at masasamang balak laban sa akin. |
|
| 61 |
|
| “Narinig mo, Yahweh, ang pangungutya nila't mga pakana laban sa akin. |
|
| 62 |
|
| Nagsasalita at nag-iisip laban sa akin ang mga kaaway ko. |
|
| 63 |
|
| Mula umaga hanggang gabi kanilang panunuya'y walang pasintabi. |
|
| 64 |
|
| “O Yahweh, parusahan mo sila, ayon sa kanilang ginawa. |
|
| 65 |
|
| Pahirapan mo sila, at iyong sumpain; habulin mo sila at iyong lipulin!” |
|
| 66 |
|
|
|
|
|
|