|
| 1 |
|
| Gunitain mo, Yahweh, ang nangyari sa amin; masdan mo ang sinapit naming kahihiyan! |
|
| 2 |
|
| Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan, at ang aming mga tahanan nama'y ipinagkaloob sa mga taga-ibang bayan. |
|
| 3 |
|
| Ang aming mga ama'y pinatay ng mga kaaway; kaya't aming mga ina, wala nang kaagapay. |
|
| 4 |
|
| Kailangang bayaran namin ang tubig na iinumin, pati ang panggatong ay binibili na rin. |
|
| 5 |
|
| Pinagtrabaho kaming parang mga hayop, hindi man lamang pinagpapahinga. |
|
| 6 |
|
| Para lang magkaroon ng sapat na pagkain, nakipagkasundo kami sa Egipto at Asiria. |
|
| 7 |
|
| Nagkasala nga ang aming mga ninuno, at dahil sa kanila kami ay nagdurusa. |
|
| 8 |
|
| Mga alipin ang namamahala sa amin; walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay. |
|
| 9 |
|
| Sa paghahanap ng pagkain, nanganganib ang aming buhay, sapagkat naglipana ang aming mga kaaway. |
|
| 10 |
|
| Dahil sa matinding gutom, nag-aapoy ang aming katawan, para kaming nakalagay sa mainit na pugon. |
|
| 11 |
|
| Ang aming mga asawa ay ginahasa sa Zion, ang mga dalaga nama'y pinagsasamantalahan sa mga bayan ng Juda. |
|
| 12 |
|
| Ginagapos at ibinibitin ang mga pinuno; at ang matatanda ay hindi na nirespeto. |
|
| 13 |
|
| Ang mga kabataang lalaki'y pinagtatrabahong parang alipin; nakukuba sa bigat ng pasan nilang kahoy ang mga batang lalaki. |
|
| 14 |
|
| Ayaw nang magpulong ang matatanda ng bayan, ayaw nang tumugtog ng mga kabataan. |
|
| 15 |
|
| Naparam ang kagalakan sa aming puso; ang aming pagsasaya ay naging pagluluksa. |
|
| 16 |
|
| Walang natira sa aming ipinagmamalaki; “tayo'y nagkasala kaya tayo'y nagdurusa!” |
|
| 17 |
|
| Nanlupaypay kami, at nagdilim ang aming paningin, |
|
| 18 |
|
| pagkat iniwan ng tao ang Bundok ng Zion, mga asong-gubat na lang ang naninirahan doon. |
|
| 19 |
|
| Ngunit ikaw, O Yahweh, ang hari magpakailanman, ang iyong luklukan ay walang katapusan. |
|
| 20 |
|
| Kay tagal mo kaming pinabayaan. Kailan mo kami aalalahaning muli? |
|
| 21 |
|
| Ibalik mo kami, O Yahweh, sa dati naming kaugnayan sa iyo! |
|
| 22 |
|
| Talaga bang itinakwil mo na kami? Sukdulan na bang talaga ang galit mo sa amin? |
|
|
|
|