Pagkatapos, dinala ako ng tao sa pintuan ng templo, at nakita ko roon ang umaagos na tubig na papuntang silangan mula sa ilalim ng pintuan ng templo. (Ang templo ay nakaharap sa gawing silangan.) At umagos ang tubig pakanan, sa bandang timog ng altar.
Pagkatapos, dinala ako ng tao sa labas ng templo. Doon kami dumaan sa gawing hilaga. At inilibot niya ako sa labas patungo sa daanan sa silangan. Nakita ko roon ang tubig na umaagos mula sa gawing hilaga ng daan.
Naglakad kami papunta sa gawing silangan sa tabi ng tubig, at patuloy siya sa pagsukat. Nang mga 1,700 talampakan na ang nalakad namin, pinalusong niya ako sa tubig na hanggang bukong-bukong.
At nagsukat uli siya ng 1,700 talampakan at muli akong pinalusong sa tubig na hanggang tuhod na. Nagsukat pa ulit siya ng 1,700 talampakan at pinalusong akong muli sa tubig na hanggang baywang na.
At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na itoʼy dumadaloy sa lupain sa silangan papunta sa Araba papunta sa Dagat na Patay. Ang dagat na ito ay magiging sariwang tubig na at hindi maalat.
Marami nang mangingisda sa Dagat na Patay mula sa En Gedi patungo sa En Eglaim. Dadami ang ibaʼt ibang uri ng isda sa Dagat na Patay katulad ng Dagat ng Mediteraneo. Ang tabing-dagat ay mapupuno na ng mga pinatutuyong lambat.
Tutubo sa magkabilang panig ng ilog ang ibaʼt ibang uri ng punongkahoy na namumunga. Ang mga dahon nitoʼy hindi malalanta at hindi mauubos ang mga bunga. Mamumunga ito sa bawat buwan dahil dinadaluyan ito ng tubig mula sa templo. Ang mga bunga nitoʼy pagkain, at ang dahon ay gamot.”
Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Ito ang mga hangganan ng mga lupaing paghahati-hatiin ng 12 lahi ng Israel bilang mana nila. Bigyan ninyo ng dalawang bahagi na mamanahin ang lahi ni Jose.
“Ang hangganan sa silangan ay mula sa hangganan ng Hauran at Damascus papuntang Ilog ng Jordan (sa pagitan ng Gilead at ng Israel) patungo sa Dagat na Patay hanggang sa Tamar. Ito ang hangganan sa silangan.
“Ang hangganan naman sa Timog ay simula sa Tamar patungo sa bukal ng Meriba Kadesh hanggang sa Lambak ng Egipto patungo sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang hangganan sa Timog.
Ito ang pinakamana ninyo at ng mga dayuhang nakatira kasama ninyo na ang mga anak ay ipinanganak sa Israel. Ituring ninyo silang parang tunay na katutubong Israelita, at bigyan din ninyo sila ng lupang mamanahin ng mga lahi ng Israel.