Ngunit habang siya'y tinatawag ko, lalo naman siyang lumalayo. Lagi na lamang siyang naghahandog sa mga Baal, at nagsusunog ng insenso sa mga diyus-diyosan.
Pinatnubayan ko siya nang buong pagmamalasakit at nang buong pagmamahal. Ang katulad ko'y isang nag-aalis ng busal sa kanilang bibig, at yumuko ako upang sila'y mapakain.
“Pababayaan ba kita, Efraim? Ikaw ba'y ibibigay ko sa kaaway, Israel? Maitutulad ba kita sa Adma? Magagawa ko ba sa iyo ang aking ginawa sa Zeboim? Hindi ito kayang gawin ng puso ko; kahabagan ko'y nananaig.
Hindi ko ipadarama ang bigat ng aking poot; Hindi ko na muling sisirain ang Efraim. Sapagkat ako'y Diyos at hindi tao, ang Banal na Diyos na nasa kalagitnaan ninyo, at hindi ako naparito upang kayo'y wasakin.
Nagmamadali silang darating na parang mga ibong mula sa Egipto, at mga kalapating mula sa Asiria. Sa kanilang tahana'y ibabalik ko sila,” sabi ni Yahweh.
Sinabi ni Yahweh, “Nililinlang ako nitong si Efraim, at dinadaya ako nitong si Israel. Ang Juda nama'y naghahanap pa rin ng ibang diyos, at kinakalaban ang Banal at Matapat.