Ang Efraim ay umaasa sa wala, at maghapong naghahabol sa hangin. Puro kasinungalingan at karahasan ang ginagawa; nakikipag-isa sa Asiria, at nakikipagkalakal sa Egipto.”
Nakipagbuno siya sa anghel at nagwagi, umiyak siya at nakiusap na nawa'y pagpalain. Nakatagpo niya ang Diyos doon sa Bethel, at ito'y nakipag-usap sa kanya.
Nais nilang apihin ang kanilang kapwa. Sinasabi nila, ‘Ako'y talagang mayaman, nakamtan ko ang kayamanang ito para sa aking sarili.’ Ngunit lahat man ng kanyang kayamanan ay hindi sapat, pambayad sa nagawa niyang kasalanan.
“Nagsalita ako sa pamamagitan ng mga propeta; at sa kanila'y nagbigay ng maraming pangitain. Maraming talinghaga rin ang sa kanila'y aking itinagubilin.
Laganap sa Gilead ang pagsamba sa diyus-diyosan, at lahat ng sumasamba rito'y nakalaang mamatay. Naghahandog sa mga diyus-diyosang toro ang mga taga-Gilgal, at ang mga altar nila'y mawawasak magiging mga bunton ng bato sa gitna ng kabukiran.”
Matindi na ang galit ni Yahweh kay Efraim, dahil sa kasamaang ginagawa nito. Kaya't siya'y paparusahan ni Yahweh, at pagbabayarin sa kanyang mga kasalanan.