Noong una, kapag nagsalita si Efraim, ang mga tao ay nanginginig sa takot, sapagkat siya ay pinaparangalan sa Israel. Ngunit nagkasala siya at nahatulang mamatay dahil sa pagsamba kay Baal.
Hanggang ngayo'y patuloy sila sa paggawa ng kasalanan. Tinutunaw ang mga pilak at ginagawang diyus-diyosan. Pagkatapos ay sinasabi, “Maghandog kayo rito! At halikan ninyo ang mga guyang ito.”
Kaya nga, matutulad sila sa mga ulap sa umaga o sa hamog na madaling naglalaho; gaya ng ipa na inililipad ng hangin, gaya ng usok na tinatangay sa malayo.
Sinabi ni Yahweh, “Ako si Yahweh na inyong Diyos. Ako ang nagpalaya sa inyo sa Egipto. Noon, wala kayong ibang Diyos kundi ako, at walang ibang tagapagligtas maliban sa akin.
Ang Israel ay binigyan ko ng pagkakataong magbagong-buhay, ngunit ito'y kanyang tinanggihan. Para siyang sanggol na ayaw lumabas sa sinapupunan. Siya'y anak na suwail at mangmang!
Hindi ko sila paliligtasin sa daigdig ng mga patay. Hindi ko sila paliligtasin sa kamatayan. Kamatayan, pahirapan mo sila. Libingan, parusahan mo sila. Wala na akong nalalabing awa sa kanila.
Bagaman siya'y lumagong gaya ng tambo, may darating na hangin mula kay Yahweh, ang hanging silangang nagbubuhat sa ilang, tutuyuin ang kanyang mga batis at aagawin ang kanyang yaman.
Mananagot ang Samaria, sapagkat siya'y naghimagsik laban sa Diyos. Mamamatay sa tabak ang mga mamamayan niya. Ipaghahampasan sa lupa ang kanyang mga sanggol, at lalaslasin ang tiyan ng mga nagdadalang-tao.”