Dinggin ninyo, mga taga-Israel, ang pahayag ni Yahweh, sapagkat may bintang siya laban sa inyo. “Sa lupaing ito ay walang katapatan, walang pagmamahalan at walang pagkilala sa Diyos.
Sa halip ay laganap ang pagtutungayaw at pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Nilalabag nila ang lahat ng batas at sunud-sunod ang mga pamamaslang.
Kaya't nagdadalamhati ang lupain, nalulumbay ang lahat ng naninirahan dito. Halos malipol ang mga hayop sa parang, ang mga ibon sa papawirin, at ang mga isda sa dagat.
Nalipol ang aking bayan dahil sa kamangmangan; sapagkat itinakwil ninyo ang karunungan, itinatakwil ko rin kayo bilang pari. At dahil kinalimutan ninyo ang kautusan ng inyong Diyos, kalilimutan ko rin ang inyong mga anak.
Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog; makikipagtalik sila sa mga babae sa templo, ngunit hindi sila magkakaanak; sapagkat itinakwil nila si Yahweh at sila'y bumaling sa ibang mga diyos.”
Sumasangguni ang aking bayan sa diyus-diyosang kahoy; itinatanong nila sa haliging kahoy kung ano ang dapat gawin. Sinasagot sila sa pamamagitan ng tungkod. Sila'y iniligaw ng masamang pamumuhay, at ipinagpalit nila sa kahalayan ang kanilang Diyos.
Nag-aalay sila ng mga handog na susunugin sa mga sagradong bundok, at nagsusunog ng mga handog sa ibabaw ng mga burol, sumasamba sila sa ilalim ng mga ensina, alamo at roble, sapagkat mayabong ang mga ito at malawak ang lilim. Kaya't nakikipagtalik kahit kanino ang iyong mga anak na dalaga, at nangangalunya naman ang mga manugang mong babae.
Gayunman, hindi ko paparusahan ang iyong mga anak na dalaga kahit sila'y magpakasama. Gayundin ang iyong mga manugang kahit na sila'y mangalunya; sapagkat ang mga lalaki ay nakikipagtalik din sa mga babae sa templo, at kasama nilang naghahandog sa mga diyus-diyosan. Ganyan winawasak ng mga taong hangal ang kanilang sarili.
“Bagaman ikaw ay nangalunya, O Israel, hindi naman kailangang papanagutin din ang Juda. Huwag kang pumasok sa Gilgal, ni umakyat sa Beth-aven; at huwag kang sumumpa ng, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy.’