|
| 1 |
|
| Dinggin ninyo ito, Oh ninyong mga saserdote, at inyong pakinggan ninyong sangbahayan ni Israel, at inyong ulinigin, Oh sangbahayan ng hari, sapagka't sa inyo'y nauukol ang kahatulan; sapagka't kayo'y naging isang silo sa Mizpa, at isang panghuli na nalagay sa Tabor. |
|
| 2 |
|
| At ang mga nagsipanghimagsik ay nangagpakapahamak na mainam; nguni't ako'y mananaway sa kanilang lahat. |
|
| 3 |
|
| Aking kilala ang Ephraim, at ang Israel na hindi lingid sa akin; sapagka't ngayon, Oh Ephraim, ikaw ay nagpatutot, ang Israel ay napahamak. |
|
| 4 |
|
| Hindi sila titiisin ng kanilang mga gawain na manumbalik sa kanilang Dios; sapagka't ang pagpapatutot ay nasa loob nila, at hindi nila nakikilala ang Panginoon. |
|
| 5 |
|
| At ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo sa kaniyang mukha: kaya't ang Israel at ang Ephraim ay mangatitisod sa kanilang kasamaan; ang Juda'y matitisod ding kasama nila. |
|
| 6 |
|
| Sila'y magsisiyaong kasama ng kanilang kawan at ng kanilang bakahan upang hanapin ang Panginoon; nguni't hindi nila masusumpungan siya: Siya'y umurong sa kanila. |
|
| 7 |
|
| Sila'y nagsigawa ng paglililo laban sa Panginoon; sapagka't sila'y naganak ng ibang mga anak: lalamunin nga sila ng bagong buwan sangpu ng kanilang mga parang. |
|
| 8 |
|
| Hipan ninyo ang korneta sa Gabaa, at ang pakakak sa Rama: kayo'y magsitugtog ng hudyat sa Beth-aven; sa likuran mo, Oh Benjamin. |
|
| 9 |
|
| Ang Ephraim ay magiging kasiraan sa kaarawan ng pagsaway: sa gitna ng mga lipi ng Israel ay aking ipinakilala ang tunay na mangyayari. |
|
| 10 |
|
| Ang mga prinsipe sa Juda ay gaya ng nagsisibago ng lindero: aking ibubuhos ang aking galit sa kanila na parang tubig. |
|
| 11 |
|
| Ang Ephraim ay napighati, siya'y nadikdik sa kahatulan; sapagka't siya'y nasisiyahang lumakad ng ayon sa utos ng tao. |
|
| 12 |
|
| Kaya't ako'y sa Ephraim na parang tanga, at sa sangbahayan ni Juda na parang kabulukan. |
|
| 13 |
|
| Nang makita ng Ephraim ang kaniyang sakit, at nang makita ni Juda ang kaniyang sugat, naparoon nga ang Ephraim sa Asiria, at nagsugo sa haring Jareb: nguni't hindi niya mapagagaling kayo, ni kaniyang mapagagaling man kayo sa inyong sugat. |
|
| 14 |
|
| Sapagka't ako'y magiging parang leon sa Ephraim, at parang isang batang leon sa sangbahayan ni Juda, Ako, sa makatuwid baga'y ako, ay aagaw at aalis; ako'y magaalis, at walang magliligtas. |
|
| 15 |
|
| Ako'y yayaon at babalik sa aking dako, hanggang sa kanilang kilalanin ang pagkakasala, at hanapin ang aking mukha: sa kanilang pagdadalamhati ay hahanapin nila akong mainam. |
|
|
|
|