Magandang Balita Biblia
|
| 1 |
| “Halikayo, tayo'y manumbalik kay Yahweh; sapagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling. Siya ang nanugat, kaya't siya rin ang gagamot. |
| 2 |
| Sa loob ng dalawang araw ay mapapalakas niya tayo; sa ikatlong araw, tayo'y kanyang ibabangon, upang tayo'y mabuhay sa kanyang harapan. |
| 3 |
| Halikayo't kilalanin natin si Yahweh, sikapin nating siya'y makilala. Kasintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala, tulad ng patak ng ulan sa panahon ng taglamig, tulad ng tubig-ulan na nagpapasibol sa mga halaman.” |
| 4 |
| “Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim? Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga, gaya ng hamog na dagling napapawi. |
| 5 |
| Kaya nga, pinarusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta, at pinagpapatay sa pamamagitan ng aking mga salita; simbilis ng kidlat ang katuparan ng aking hatol. |
| 6 |
| Sapagkat wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog, pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog. |
| 7 |
| “Ngunit tulad ni Adan ay sumira kayo sa ating kasunduan, nagtaksil kayo sa aking pag-ibig. |
| 8 |
| Ang Gilead ay lunsod ng mga makasalanan, tigmak sa dugo ang mga lansangan nito. |
| 9 |
| Nagkakaisa ang mga pari, parang mga tulisang nag-aabang sa bibiktimahin. Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem; mabigat na kasalanan ang ginagawa nila. |
| 10 |
| Kahindik-hindik ang nakita ko sa sambahayan ni Israel. Ang Efraim ay nalulong na sa kalaswaan; ang Israel naman ay nahandusay sa putikan. |
| 11 |
| “Nakatakda na rin ang parusa sa iyo, Juda, sa sandaling ibalik ko ang kasaganaan ng aking bayan. |
| I-save ang Mga Tala |
https://beblia.bible:81/BibleAudio/tagalog2012/hosea/006.mp3
14
6