Nais ko sanang pagalingin ang Israel, ngunit nakikita ko naman ang kabulukan ng Efraim, at ang masasamang gawa ng Samaria. Sila'y manlilinlang, magnanakaw at tulisan.
Nag-aalab na parang pugon ang kanilang mga puso; pawang kasamaan ang kanilang binabalak. Magdamag na nag-aalimpuyo ang kanilang galit, at kinaumagaha'y nagliliyab na parang apoy.
Lahat sila'y parang pugon na nag-iinit sa galit, pinatay nila ang kanilang mga pinuno. Bumagsak ang lahat ng mga hari nila; at wala ni isa mang nakaisip na sa aki'y tumawag.”
Ang kapalaluan ng Israel ang magpapahamak sa kanila. Gayunman, ayaw nilang manumbalik kay Yahweh na kanilang Diyos, ayaw nilang hanapin ang kanilang Diyos.
Sa kanilang pag-alis, lambat ko sa kanila'y ihahagis, huhulihin ko sila na parang mga ibon sa papawirin. Paparusahan ko sila dahil sa masasama nilang gawain.
“Mapapahamak sila dahil sa paglayo sa akin! Lilipulin sila sapagkat naghimagsik sila laban sa akin! Tutubusin ko sana sila, ngunit nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
Tumatangis sila sa kanilang mga higaan, ngunit hindi taos puso ang kanilang pagtawag sa akin. Sinasaktan nila ang sarili dahil sa pagkain at sa alak, pagkatapos ay naghihimagsik sila laban sa akin.
Humihingi sila ng tulong kay Baal; ang katulad nila'y taksil na mandirigma. Masasawi sa espada ang mga pinuno nila dahil sa kanilang palalong dila. Ito ang dahilan ng panlilibak sa kanila sa lupain ng Egipto.”