Sinabi ni Yahweh, “Hipan mo ang trumpeta! Dumarating ang isang agila sa bayan ng Diyos, sapagkat sumira sa tipan ang aking bayan, at nilabag nila ang aking kautusan.
“Pumili sila ng mga hari nang wala akong pahintulot; naglagay sila ng mga pinuno, ngunit hindi naman ayon sa aking kagustuhan. Ginawa nilang diyus-diyosan ang kanilang pilak at ginto na nagdala sa kanila sa kapahamakan.
“Naghahasik sila ng hangin, at ipu-ipo ang kanilang aanihin. Ang mga nakatayong trigo'y walang uhay, kaya't walang makukuhang harina. At kung magbunga man iyon, kakainin lamang ng mga dayuhan.
Bagama't humingi sila ng tulong sa ibang mga bansa, ngayo'y titipunin ko silang lahat. Hindi magtatagal at sila'y daraing dahil sa pahirap ng hari at ng mga pinuno.
Nag-aalay sila ng handog sa akin; at ang karneng handog, kanila mang kainin, hindi pa rin ito kalugud-lugod sa akin. Gugunitain niya ngayon ang kanilang kalikuan, at paparusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan; sila'y magbabalik sa lupain ng Egipto.
Kinalimutan ng Israel ang lumikha sa kanya, at nagtayo siya ng mga palasyo. Ang Juda nama'y nagparami ng mga lunsod na may pader, subalit lalamunin ng apoy ang kanilang mga lunsod at mga palasyo.”