Pakinggan ninyo ito, O matatanda, pakinggan ninyo, kayong lahat na naninirahan sa lupain! May nangyari na bang ganitong bagay sa inyong mga araw, o sa mga araw ng inyong mga ninuno?
Ang iniwan ng nagngangatngat na balang, ay kinain ng kuyog na balang. Ang iniwan ng kuyog na balang ay kinain ng gumagapang na balang; at ang iniwan ng gumagapang na balang ay kinain ng maninirang balang.
Gising, kayong mga maglalasing, at umiyak kayo; tumangis kayo, kayong lahat na manginginom ng alak, dahil sa matamis na alak na inilayo sa inyong bibig.
Sapagkat ang isang bansa ay sumalakay sa aking lupain, malakas at di mabilang, ang kanyang mga ngipin ay mga ngipin ng leon, at siya'y may mga pangil ng babaing leon.
Ang puno ng ubas ay natuyo, at ang puno ng igos ay nalalanta. Ang puno ng granada, ang puno ng palma at ang puno ng mansanas, at lahat ng punungkahoy sa parang ay tuyo; sapagkat ang kagalakan ay nawala sa mga anak ng mga tao.
Magbigkis kayo ng damit-sako at tumaghoy, O mga pari at tumaghoy, manangis, kayong mga lingkod sa dambana. Halikayo, palipasin ninyo ang magdamag na suot ang damit-sako, O mga lingkod ng aking Diyos! Sapagkat ang handog na butil at ang handog na inumin ay ipinagkait sa bahay ng inyong Diyos.
Magtakda kayo ng pag-aayuno, tumawag kayo ng isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo ang matatanda at ang lahat ng nahinirahan sa lupain sa bahay ng PANGINOON ninyong Diyos, at dumaing kayo sa PANGINOON.
Kahabag-habag ang araw na iyon! Sapagkat ang araw ng PANGINOON ay malapit na, at ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat.