Makinig kayo, matatandang pinuno, pakinggan ninyo ito, lahat ng nasa Juda. May nangyari na bang ganito sa inyong panahon, o sa panahon ng inyong mga ninuno?
Isalaysay ninyo ito sa inyong mga anak, upang maisalaysay naman nila ito sa magiging mga anak nila, at sila ang magsasabi nito sa kasunod nilang salinlahi.
Natuyo ang mga ubasan, nalanta ang mga puno ng igos; ang mga punong granada, palma at mansanas—lahat ng punongkahoy ay natuyo; at nawala ang kagalakan ng mga tao.
Magluksa kayo at tumangis, mga paring naghahandog sa altar. Pumasok kayo sa Templo at magdamag na magluksa. Walang trigo o alak na naihahandog sa inyong Diyos.
Iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat. Tipunin ninyo ang mga tao. Tipunin ninyo ang matatandang pinuno at ang lahat ng taga-Juda, sa Templo ni Yahweh na inyong Diyos at dumaing sa kanya.