Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion at ibigay ang hudyat sa banal na bundok ng Diyos. Manginig kayong mga taga-Juda, sapagkat malapit nang dumating ang araw ni Yahweh.
Ito'y makulimlim at malungkot na araw, madilim ang buong kapaligiran; at lilitaw ang napakakapal na balang tulad ng paglaganap ng dilim sa kabundukan. Hindi pa nangyayari ang ganito nang mga nakaraang panahon, at hindi na mangyayari pang muli maging sa darating na panahon.
Nilalamon nilang tulad ng apoy ang mga halaman. Parang halamanan ng Eden ang lupain bago sila dumating, ngunit naging malungkot na ilang nang kanilang iwan; wala silang itinira.
Kapag dumaraan sila sa ibabaw ng mga bundok, ang ingay nila ay parang rumaragasang karwahe, parang tuyong damo na sinusunog. Nakahanay sila, tulad ng isang hukbo na handang makipagdigma.
Sumasalakay sila, gaya ng mga mandirigma; inaakyat nila ang mga pader gaya ng mga kawal. Walang lingun-lingon silang sumusugod. Walang lumilihis sa landas na tinatahak.
Parang kulog ang tinig ni Yahweh, kung mag-utos sa kanyang hukbo. Ang mga pangkat na tumatalima sa kanya ay marami at malalakas. Nakakapangilabot ang araw ni Yahweh! Sino ang makakatagal dito?
Magsisi kayo nang taos sa puso, at hindi pakitang-tao lamang.” Magbalik-loob kayo kay Yahweh na inyong Diyos! Siya'y mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig; laging handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi.
Maaaring lingapin kayong muli ni Yahweh na inyong Diyos at bigyan kayo ng masaganang ani. Kung magkagayon, mahahandugan ninyo siya ng handog na pagkaing butil at alak.
Tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo ang lahat, matatanda at bata, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
Mga pari, tumayo kayo sa pagitan ng altar at ng pasukan ng Templo, manangis kayo't manalangin nang ganito: “Mahabag ka sa iyong bayan, O Yahweh! Huwag mong hayaang kami'y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin, ‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Paaalisin ko na ang mga hukbong waring buhat sa hilaga; itataboy ko ang iba sa disyerto. At ang mga pangunahing hanay nila ay itataboy ko naman sa dagat sa silangan; sa dagat sa hilaga naman ang nasa hulihan. Aalingasaw ang baho ng kanilang mga bangkay. Lilipulin ko sila dahil sa lahat ng ginawa nila sa inyo.”
“Magalak kayo, mga taga-Zion! Matuwa kayo dahil sa ginawa ni Yahweh na inyong Diyos. Pinaulan niya nang sapat sa taglagas, at gayundin sa taglamig; tulad ng dati, uulan din sa tagsibol.
Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim. Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo.
Magkakaroon kayo ngayon ng saganang pagkain at kayo'y mabubusog. Pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos, na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa inyo. Hindi na muli pang kukutyain ang aking bayan.
“Pagkatapos nito, ipagkakaloob ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao: ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki't babae ang aking mga mensahe. Magkakaroon ng mga panaginip ang inyong matatandang lalaki, at makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki.
At sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong kay Yahweh ay maliligtas. Gaya ng kanyang sinabi, may ilang makakatakas sa Bundok ng Zion at ang aking mga pinili'y makakaligtas sa Jerusalem.”