Titipunin ko ang lahat ng bansa at dadalhin sa Libis ng Jehoshafat. Doon ko sila hahatulan ayon sa ginawa nila sa aking bayan. Pinangalat nila sa iba't ibang bansa ang mga Israelita at pinaghati-hatian ang aking lupain.
Nagpalabunutan sila upang magpasya kung kanino mapupunta ang mga bihag. Ipinagbili nila ang mga bata bilang mga alipin upang ang pinagbilhan ay ibili naman ng alak at ibayad sa mga babaing parausan.
“Ano ang ginagawa ninyo sa akin, kayong mga taga-Tiro, Sidon at Filistia? Sinusuhulan ba ninyo ako bilang kapalit ng isang bagay? Kung gayon, mabilis ko kayong gagantihan!
“Ipahayag mo ito sa mga bansa: Humanda kayo sa isang digmaan. Tawagin ninyo ang inyong mga mandirigma, tipunin ninyong lahat ang inyong mga kawal at sumalakay kayo!
Dumadagundong mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh, mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig; nanginginig ang langit at lupa. Subalit ipagtatanggol niya ang kanyang bayan.
“Sa gayon, malalaman mo, O Israel, na ako si Yahweh ay iyong Diyos! Ang aking tahanan ay ang Zion, ang banal na bundok. Magiging banal na lunsod ang Jerusalem; hindi na ito muling masasakop ng mga dayuhan.
Sa panahong iyon, mapupuno ng ubasan ang mga kabundukan; bakahan ang makikita sa bawat burol, at sasagana sa tubig ang buong Juda! Dadaloy mula sa Templo ni Yahweh ang isang batis, na didilig sa Libis ng Sitim.
“Magiging disyerto ang Egipto, at magiging tigang ang lupain ng Edom, sapagkat sinalakay nila ang lupain ng Juda at pinatay ang mga mamamayang walang kasalanan.
Ipaghihiganti ko ang lahat ng nasawi; paparusahan ko ang sinumang nagkasala. Ang Juda at ang Jerusalem ay pananahanan magpakailanman, at ako ay mananatili sa Bundok ng Zion.”