Ang sinumang makahipo sa anumang bagay na kanyang hinigan ay ituturing na marumi. Ang sinumang magdala ng kanyang inupuan ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
Ang sinumang mahawakan ng lalaking may sakit na tulo na di muna naghugas ng kamay ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
“Kung ang maysakit nito ay gumaling na, maghihintay siya ng pitong araw saka maglilinis. Sa ikapitong araw, lalabhan niya ang kanyang kasuotan at maliligo sa umaagos na batis at siya'y magiging malinis na.
Kinabukasan, kukuha siya ng dalawang batu-bato o kaya'y dalawang kalapati at dadalhin niya sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ibibigay niya ito sa pari
upang ihandog, ang isa'y para sa kasalanan at ang isa nama'y handog na susunugin. Ganito lilinisin ng pari sa harapan ni Yahweh ang taong nagkasakit ng tulo.
Dapat labhan ang alinmang kasuotang yari sa tela o balat ng hayop na nabahiran nito, at hugasan ang alinmang bahagi ng katawan na natuluan ng binhi; iyo'y ituturing na marumi hanggang gabi.
Ang sinumang makahawak sa anumang maupuan ng babaing ito ay dapat ding maligo, lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
“Kung ang sinumang babae ay dinudugo nang wala sa panahon, o lumampas kaya sa takdang panahon ng kanyang pagreregla, ituturing siyang marumi habang siya'y dinudugo, tulad nang siya'y nireregla.
“Ganito ninyo ilalayo sa karumihan ang mga taga-Israel sapagkat kung hindi ninyo ito gagawin, mamamatay sila sa paglapastangan sa tabernakulo na nasa gitna nila.”