Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Moab, kaya sila'y paparusahan ko. Sinunog nila at pinulbos ang mga buto ng hari ng Edom.
Susunugin ko ang lupain ng Moab; tutupukin ko ang mga tanggulan sa Keriot. Masasawi ang mga taga-Moab sa gitna ng ingay ng labanan, sa sigawan ng mga kawal at tunog ng mga trumpeta.
Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Juda, kaya sila'y paparusahan ko. Hinamak nila ang aking mga katuruan; nilabag nila ang aking mga kautusan. Iniligaw sila ng mga diyus-diyosang pinaglingkuran ng kanilang mga ninuno.
Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Israel, kaya sila'y paparusahan ko. Dahil sa suhol, pinarusahan nila ang mga matutuwid, at ibinentang alipin sa halagang isang pares ng sandalyas ang mga taong hindi makabayad ng utang.
Niyuyurakan nila ang mga abâ; ipinagtutulakan nila ang mahihirap. Nakikipagtalik ang mag-ama sa iisang babaing alipin, kaya't nalalapastangan ang aking banal na pangalan.
Ginagamit nilang higaan sa tabi ng alinmang altar ang balabal na sangla ng isang may utang. Sa templo ng kanilang Diyos, sila'y nag-iinuman ng alak na binili sa salaping ninakaw sa mga dukha.
Nagawa pa nila ito sa akin matapos kong lipulin ang mga Amoreo, na kasintangkad ng mga punong sedar at kasintigas ng punong ensina. Pinuksa kong lahat ang mga ito alang-alang sa kanila.