Sinabi ng Panginoong Yahweh, “Sa sanlibong kawal na inatasan ng isang lunsod, iisang daan ang makakabalik; sa sandaan namang inatasan ng isa pang lunsod, ang makakabalik ay sampu na lamang.”
huwag kayong pumunta sa Bethel upang humingi ng tulong; huwag kayong pumunta doon sa Beer-seba, sapagkat ang mga taga-Gilgal ay tiyak na mabibihag, at ang Bethel ay mawawalang kabuluhan.”
Lumapit kayo kay Yahweh at kayo'y mabubuhay. Kung hindi, bababâ siyang parang apoy sa mga anak ni Jose, susunugin ang Bethel at walang makakasugpo sa apoy na ito.
Nilikha ni Yahweh ang Pleyades at ang Orion. Itinatakda niya ang araw at ang gabi. Tinipon niya ang tubig mula sa karagatan, upang muling ibuhos sa sangkalupaan; Yahweh ang kanyang pangalan.
Ginigipit ninyo ang mahihirap at hinuhuthot ang kanilang ani. Kaya't hindi ninyo matitirhan ang bahay na batong inyong itinayo, ni malalasap man lang ang alak mula sa malalawak ninyong ubasan.
Alam ko kung gaano karami ang inyong ginawang kasamaan, at kung gaano kabigat ang inyong mga kasalanan. Kayo'y humihingi ng suhol sa mga taong matuwid, at ipinagkakait ninyo sa mga mahihirap ang katarungan.
Gawin mo ang matuwid, hindi ang masama, upang ikaw ay mabuhay. Sa gayon, sasaiyo si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, tulad ng sinasabi mo.
Kamuhian mo ang masama, ibigin ang mabuti. Pairalin mo sa mga hukuman ang katarungan, baka sakaling kahabagan ni Yahweh ang matitirang buháy sa lahi ni Jose.
Kaya't sinasabi ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang Panginoon, “Maririnig sa mga lansangan ang mga pagtangis; at ang mga paghihinagpis sa mga liwasan. Pati ang mga magsasaka ay makikidalamhati, kasama ng mga bayarang taga-iyak.
Kahabag-habag kayo na naghihintay sa pagdating ng araw ni Yahweh! Bakit ninyo hinihintay ang araw na iyon? Iyon ay magiging araw ng kadiliman, hindi ng kaliwanagan.
Hindi ko matatanggap ang inyong mga handog na sinusunog, handog na mga pagkaing butil at mga hayop na pinataba. Kahit na ang mga iyon ay handog pangkapayapaan, hindi ko pa rin papansinin.