Kahabag-habag kayong namumuhay na maginhawa sa Zion, at kayong naninirahang matiwasay sa Bundok ng Samaria, kayo na kinikilala sa Israel, ang bansang pinili at nilalapitan ng mga nangangailangan!
Tingnan ninyo ang lunsod ng Calne; puntahan ninyo ang tanyag na lunsod ng Hamat, at ang Gat, na lunsod ng mga Filisteo. Nakakahigit ba sila kaysa Juda at Israel? Mas malaki ba ang lupaing sakop nila kaysa inyo?
Kahabag-habag kayo na nahihiga sa magagarang kama na yari sa garing, at nagpapahinga sa malalapad na himlayan, habang nagpapakabusog sa mga piling tupa at pinatabang guya.
Sa malalaking mangkok na kayo umiinom ng alak, at mamahaling pabango ang ipinapahid sa katawan, ngunit hindi kayo nagdadalamhati sa pagkawasak ng Israel!
Mariing ipinahayag ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, “Namumuhi ako sa labis na kapalaluan ng Israel! Hindi ako nalulugod sa kanilang mga tanggulan. Ibibigay ko sa kaaway ang buong lunsod at ang lahat ng bagay na naroon.”
Kapag dumating ang kamag-anak ng mga namatay upang ilabas at sunugin ang mga bangkay, magtatanong siya sa sinumang nagtatago sa bahay kung mayroon pa siyang ibang kasama. Kung ang sagot ay, “Wala!” sasabihin nito, “Tumahimik ka!” Ingatan nating huwag mabanggit man lang ang pangalan ni Yahweh.
Tumatakbo ba sa batuhan ang mga kabayo? Naipang-aararo ba sa dagat ang mga baka? Hindi nga, ngunit ginawa ninyong lason ang katarungan at pinalitaw na mali ang tama.
Ngunit ito ang sagot ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat: “Susuguin ko ang isang bansa laban sa inyo, mga taga-Israel. Kayo'y pahihirapan buhat sa Pasong Hamat sa hilaga hanggang sa Batis ng Araba sa timog.”