Ang pangitain ni Obadias. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS tungkol sa Edom: Kami ay nakarinig ng mga balita mula sa PANGINOON, at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa: "Bumangon kayo! Tumindig tayo laban sa kanya sa pakikipagdigma!"
Dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso, ikaw na naninirahan sa mga bitak ng bato, na ang tahanan ay matayog na nagsasabi sa iyong puso, "Sinong magbababa sa akin sa lupa?"
Bagaman ikaw ay nagtatayo nang mataas na parang agila, bagaman inilalagay mo ang iyong pugad na kasama ng mga bituin, aking ibababa ka mula roon, sabi ng PANGINOON.
Kung ang mga magnanakaw ay pumaroon sa iyo, kung ang mga manloloob sa gabi — gaano ka winasak! — di ba sila'y magnanakaw lamang ng sapat sa kanila? Kung ang mga mamimitas ng ubas ay pumaroon sa iyo, di ba sila'y mag-iiwan ng laglag na ubas?
Lahat ng lalaking iyong kakampi ay dadalhin ka sa hangganan; ang mga kasamahan mo na kasunod mo ay dadayain ka at dadaigin ka. Ang mga kumakain ng iyong tinapay ay tatambangan ka — walang pagkaunawa sa kanya.
Nang araw na ikaw ay tumayo sa malayo, nang araw na dalhin ng mga dayuhan ang kanyang kayamanan, at pumasok ang mga dayuhan sa kanyang mga pintuan at pinagpalabunutan ang Jerusalem, ikaw ay naging gaya ng isa sa kanila.
Huwag ka ngang matuwa sa araw ng iyong kapatid sa araw ng kanyang kapahamakan, huwag kang magalak dahil sa mga anak ni Juda, sa araw ng kanilang pagkawasak; hindi ka sana nagmalaki sa araw ng pagkabalisa.
Huwag kang pumasok sa pintuan ng aking bayan sa araw ng kanilang kapahamakan; Oo, huwag kang matuwa sa kanyang pagkapahamak sa araw ng kanilang kasakunaan, huwag kang magnakaw ng kanilang kayamanan sa araw ng kanilang kapahamakan.
Sapagkat ang araw ng PANGINOON ay malapit na laban sa lahat ng mga bansa. Kung and ang iyong ginawa, ay siyang gagawin sa iyo; ang iyong gawa ay babalik sa iyong sariling ulo.
Sapagkat kung paanong kayo'y uminom sa aking banal na bundok, gayon iinom ang lahat ng mga bansa sa palibot, sila'y iinom, at magpapasuray-suray, at magiging wari bang sila'y hindi nabuhay.
At ang sambahayan ni Jacob ay magiging isang apoy, ang sambahayan ni Jose ay isang liyab, ang sambahayan ni Esau ay dayami, at sila'y kanilang susunugin, at sila'y tutupukin; at walang malalabi sa sambahayan ni Esau; sapagkat sinabi ng PANGINOON.
Silang nasa Negeb ay mag-aangkin ng Bundok ng Esau, at silang nasa Shefela ay ang lupain ng mga Filisteo; at kanilang aangkinin ang lupain ng Efraim, at ang lupain ng Samaria; at aangkinin ng Benjamin ang Gilead.
Ang mga bihag sa Hala na kabilang sa bayan ng Israel ay mag-aangkin ng Fenicia hanggang sa Zarefta; at ang mga bihag ng Jerusalem na nasa Sefarad ay aangkinin ang mga bayan ng Negeb.