O Yahweh, narinig ko ang tungkol sa inyong ginawa, at ako'y lubos na humanga. Ulitin ninyo ngayon sa aming panahon ang mga dakilang bagay na ginawa ninyo noon. Maging mahabagin kayo, kahit kapag kayo'y nagagalit.
Ang Diyos ay muling nanggaling sa Teman, ang Banal na Diyos ay nagmula sa kaparangan ng Paran. Laganap sa kalangitan ang kanyang kaluwalhatian, at puno ang lupa ng papuri sa kanya.
Huminto siya at nayanig ang lupa; sa kanyang sulyap ay nanginginig ang mga bansa. Ang mga walang hanggang bundok ay sumasambulat; ang walang hanggang kaburulan ay lumulubog— mga daang nilakaran niya noong unang panahon.
Nagagalit ba kayo dahil sa mga ilog, O Yahweh? Ang mga dagat ba ang sanhi ng inyong poot? Nakasakay kayo sa inyong mga kabayo, at magtatagumpay na lulan ng iyong karwahe, habang pinagtatagumpay ninyo ang inyong bayan.
Lumabas kayo para iligtas ang inyong bayan, at ang haring pinili ninyo. Dinurog ninyo ang pinuno ng masasama, at nilipol na lahat ang kanyang tagasunod.
Sinibat ninyo ang pinuno ng mga mandirigma, nang dumating sila na parang ipu-ipo upang kami'y pangalatin. Kagalakan nilang sakmalin nang palihim ang mga dukha.
Narinig kong lahat ito at ako'y nanginig; nangatal ang aking mga labi dahil sa takot. Nanghina ang aking katawan, at ako'y nalugmok. Tahimik kong hihintayin ang takdang panahon ng pagpaparusa ng Diyos sa mga umapi sa amin.
Bagama't di namumunga ang puno ng igos at hindi rin namumunga ang mga ubas, kahit na maantala ang pamumunga ng olibo at walang anihin sa mga bukirin, kahit na mamatay lahat ang mga tupa at mawala ang mga baka sa kulungan,