"Gumawa ka ng dalawang trumpetang pilak; gagawin mo mula sa pinitpit na pilak at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapulungan, at kapag kakalasin na ang mga tolda.
At kapag hinipan ninyo ang hudyat sa ikalawang pagkakataon, lulusong ang mga kampo na nasa dakong timog. Sila'y hihihip ng isang hudyat sa tuwing sila'y maglalakbay.
Ang mga anak ni Aaron, ang mga pari, ang hihihip ng mga trumpeta; at ang trumpeta ay magiging walang hanggang tuntunin sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
Kapag makikipaglaban kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na lumulupig sa inyo, inyo ngang patutunugin ang hudyat ng trumpeta; at kayo'y aalalahanin sa harap ng PANGINOON ninyong Diyos, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway.
Pati sa mga araw ng inyong kagalakan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang trumpeta sa ibabaw ng inyong mga handog na sinusunog, at sa ibabaw ng mga alay ng inyong mga handog pangkapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Diyos. Ako ang PANGINOON ninyong Diyos."
At unang sumulong ang watawat ng kampo ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga pangkat; at nangunguna sa kanyang pangkat si Naashon na anak ni Aminadab.
At ang watawat ng kampo ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampo ay lumakad ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Ahiezer na anak ni Amisadai.
Sinabi ni Moises kay Hobab na anak ni Reuel na Midianita, biyenan ni Moises: "Kami ay naglalakbay patungo sa dakong sinabi ng PANGINOON, 'Aking ibibigay sa inyo.' Sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti sapagkat ang PANGINOON ay nangako ng mabuti tungkol sa Israel."
At sinabi ni Moises, "Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mo kaming iwan, sapagkat nalalaman mo kung paanong magkakampo kami sa ilang, at ikaw ay magiging mata para sa amin.
Kaya't sila'y lumusong mula sa bundok ng PANGINOON ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng PANGINOON ay nasa unahan nila sa loob ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan.
At kapag ang kaban ay isinulong na, sinasabi ni Moises, "Bumangon ka, O PANGINOON, at mangalat nawa ang mga kaaway mo, at tumakas sa harap mo ang napopoot sa iyo."