Salitain mo sa mga anak ni Israel, at kumuha ka sa kanila ng mga tungkod, isa sa bawat sangbahayan ng mga magulang; sa lahat nilang mga prinsipe ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, labing dalawang tungkod: isulat mo ang pangalan ng bawat isa sa kaniyang tungkod.
At isusulat mo ang pangalan ni Aaron sa tungkod ni Levi: sapagkat isa lamang tungkod magkakaroon sa bawat pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.
At mangyayari na ang lalaking aking pipiliin, ay mamumulaklak ang kaniyang tungkod: at aking ipatitigil sa akin, ang mga pag-upasala ng mga anak ni Israel, na kanilang iniupasala laban sa inyo.
At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel, at ang lahat nilang mga prinsipe ay nagbigay sa kaniya ng tungkod, na bawat pangulo ay isa, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, labing dalawang tungkod: at ang tungkod ni Aaron ay nasa gitna ng kanilang mga tungkod.
At nangyari nang kinabukasan, na si Moises ay pumasok sa tabernakulo ng patotoo; at, narito, na ang tungkod ni Aaron sa sangbahayan ni Levi ay namulaklak at nagkaroon ng mga hinog na almendras.
At mula sa harap ng Panginoon ay inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod sa lahat ng mga anak ni Israel: at kanilang pinagmalas, at kinuha ng bawat lalake ang kaniyang tungkod.
At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ibalik mo ang tungkod ni Aaron sa harap ng patotoo, upang ingatang pinakatanda laban sa mga anak ng panghihimagsik; upang iyong wakasan ang kanilang mga pag-upasala laban sa akin, upang huwag silang mamatay.