Ganito ang gagawin mong paglilinis sa kanila: wisikan mo sila ng tubig na ginagamit sa paglilinis, ahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang mga damit. Pagkatapos nito ay ituturing na silang malinis.
Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng batang toro at ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog na pagpaparangal sa Panginoon. Pagdalhin mo rin sila ng isa pang batang toro bilang handog sa paglilinis.
“Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang mga kamay nila sa ulo ng dalawang toro na handog para sa akin. Ang isa ay bilang handog sa paglilinis at ang isa naman ay bilang handog na sinusunog, para mapatawad sila sa kanilang mga kasalanan.
Dahil ang bawat panganay sa Israel ay akin, tao man o hayop. Nang pinagpapatay ko ang lahat ng panganay ng mga Egipcio, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng Israel.
Sa lahat ng mga Israelita, ang mga Levita ang pinili ko na tumulong kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Maglilingkod sila sa Toldang Tipanan para sa mga Israelita, at gagawa sila ng mga seremonya para sa kapatawaran ng kasalanan ng mga Israelita, para walang panganib na dumating sa kanila kapag lumapit sila sa Toldang Tipanan.”
Naglinis ang mga Levita ng kanilang sarili at nilabhan nila ang kanilang mga damit. Pagkatapos, itinalaga sila ni Aaron sa presensya ng Panginoon bilang espesyal na handog, at gumawa si Aaron ng seremonya para sa kapatawaran ng mga kasalanan nila, at para maituring silang malinis.
Pagkatapos noon, naglingkod na ang mga Levita sa Toldang Tipanan sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. Kaya ginawa nila sa mga Levita ang iniutos ng Panginoon kay Moises.
maaari silang makatulong sa kapwa nila Levita sa pamamagitan ng paglilingkod bilang tagapagbantay sa Tolda, pero hindi na sila gagawa ng mga gawain sa Tolda. Ganito ang paraan kung paano mo ibibigay ang mga tungkulin sa mga Levita.”