lumapit sa kanya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na may lamang mamahaling pabango at ibinuhos sa kanyang ulo, habang siya'y nakaupo sa may hapag.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, saan man ipangaral ang magandang balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasaysayin bilang pag-alaala sa kanya."
Nang unang araw ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, "Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ka ng kordero ng paskuwa?"
At sinabi niya, "Pumunta kayo sa isang tao sa lunsod at sabihin ninyo sa kanya, 'Sinabi ng Guro, Malapit na ang oras ko; sa iyong bahay ko gaganapin ang paskuwa kasama ng aking mga alagad.' "
Tunay na papanaw ang Anak ng Tao tulad ng nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sana sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak."
Habang sila'y kumakain ay dumampot si Jesus ng tinapay, binasbasan niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, "Kumuha kayo, kainin ninyo; ito ang aking katawan."
At sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas na ito hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama."
Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, "Kayong lahat ay tatalikod dahil sa akin sa gabing ito; sapagkat nasusulat, 'Sasaktan ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay magkakawatak-watak.'
Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama sila sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Maupo kayo rito, samantalang ako'y pupunta sa dako roon at mananalangin."
Paglakad pa niya ng malayo-layo, siya'y nagpatirapa at nanalangin, na nagsasabi, "Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo."
At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kanyang naratnang natutulog, at sinabi niya kay Pedro, "Samakatuwid, hindi ninyo kayang makipagpuyat sa akin ng isang oras?
Muli, sa ikalawang pagkakataon, umalis siya at nanalangin, na nagsasabi, "Ama ko, kung hindi maaaring lumampas ito, malibang inumin ko ito, ang iyong kalooban ang siyang mangyari."
Pagkatapos ay lumapit siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, "Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Masdan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.
At habang nagsasalita pa siya, dumating si Judas, na isa sa labindalawa, at kasama niya ang napakaraming tao na may mga tabak at mga pamalo, mula sa mga punong pari at sa matatanda ng bayan.
At sinabi sa kanya ni Jesus, "Kaibigan, gawin mo ang layunin ng pagparito mo." Pagkatapos ay lumapit sila at kanilang hinawakan si Jesus at siya'y kanilang dinakip.
Ang isa sa mga kasama ni Jesus ay nag-unat ng kanyang kamay at bumunot ng kanyang tabak. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang tainga nito.
Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Jesus, "Ibalik mo ang iyong tabak sa kanyang lalagyan, sapagkat ang lahat ng humahawak ng tabak ay sa tabak mamatay.
Sa oras na iyon ay sinabi ni Jesus sa mga napakaraming tao, "Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw ay nakaupo ako sa templo na nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip.
Subalit nangyari ang lahat ng ito, upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta." Pagkatapos ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y tumakas.
Ngunit sumunod si Pedro sa kanya ng may kalayuan, hanggang sa bakuran ng pinakapunong pari. Siya'y pumasok, at umupong kasama ng mga tanod upang makita niya kung ano ang mangyayari.
Ngunit hindi umimik si Jesus. At sinabi ng pinakapunong pari sa kanya, "Pinanunumpa kita sa harapan ng Diyos na buhay, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos."
Sinabi ni Jesus sa kanya, "Ikaw ang nagsabi, ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay inyong makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa mga ulap ng langit."
Nang magkagayo'y pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang mga damit, na sinasabi, "Nagsalita siya ng kalapastanganan. Bakit kailangan pa natin ng mga saksi? Narito, narinig ninyo ngayon ang kanyang kalapastanganan.
Samantala, si Pedro ay nakaupo sa labas ng bakuran. Lumapit sa kanya ang isang aliping babae, na nagsasabi, "Ikaw ay kasama rin ni Jesus na taga-Galilea."
Pagkalipas ng ilang sandali ay lumapit ang mga nakatayo roon at sinabi nila kay Pedro, "Talagang ikaw nga ay isa rin sa kanila, sapagkat nahahalata sa iyong pananalita."
At naalala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus, "Bago tumilaok ang manok, ay tatlong ulit mo akong ikakaila." At siya'y lumabas at mapait na tumangis.