Pagkasabi ni Jesus ng mga pananalitang ito, tumingala siya sa langit at kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; parangalan mo na ang iyong Anak upang maparangalan ka niya.
dahil itinuro ko sa kanila ang mga aral na ibinigay mo sa akin, at tinanggap naman nila. Natitiyak nilang ako'y tunay na galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin.
At ngayon, ako'y papunta na sa iyo; iiwanan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila'y maging isa.
Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong humanap ng kanyang kapahamakan, upang matupad ang kasulatan.
Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng mga tao sa sanlibutang ito, sapagkat hindi na sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi taga-sanlibutan.
Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang mga tao sa daigdig ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin.
Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, makikilala ng mga tao sa daigdig na isinugo mo ako at sila'y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin.
“Ama, sila ay ibinigay mo sa akin at nais kong makasama sila sa kinaroroonan ko upang makita nila ang karangalang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig.
Ipinakilala na kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala, upang ang pagmamahal mo sa akin ay manatili sa kanila, at ako ay manatili rin sa kanila.”