Sa iglesya na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro, si Bernabe, si Simeon na tinatawag na Niger, si Lucio na taga-Cirene, si Manaen na kinakapatid ni Herodes na tetrarka, at si Saulo.
Samantalang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Espiritu Santo, "Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila."
Nang kanilang mapuntahan na ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang salamangkero, isang bulaang propetang Judio, na ang pangalan ay Bar-Jesus.
Kasama siya ng proconsul na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Kanyang ipinatawag sina Bernabe at Saulo at nais na mapakinggan ang salita ng Diyos.
Ngunit si Elimas na salamangkero (sapagkat iyon ang kahulugan ng kanyang pangalan) ay humadlang sa kanila na pinagsisikapang ilayo sa pananampalataya ang proconsul.
at sinabi niya, "Ikaw na anak ng diyablo, at kaaway ng lahat ng katuwiran, punung-puno ng lahat ng pandaraya at panlilinlang, hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matutuwid na daan ng Panginoon?
At ngayon, laban sa iyo ang kamay ng Panginoon, mabubulag ka, at hindi mo makikita ang araw ng ilang panahon." May ulap at kadiliman na agad nahulog sa kanya at siya'y lumibot na humahanap ng sa kanya'y aakay sa kamay.
Pagkatapos ng pagbasa ng kautusan at ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpautos sa kanila na sinasabi, "Mga kapatid, kung mayroon kayong anumang salitang magpapalakas ng loob ng mga tao ay sabihin ninyo."
Hinirang ng Diyos nitong bayang Israel ang ating mga ninuno, at ginawang dakila ang bayan nang sila'y nakipamayan sa Ehipto, at sa pamamagitan ng nakataas na bisig ay kanyang inilabas sila roon.
Pagkatapos ay humingi sila ng hari at ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kish na isang lalaki sa lipi ni Benjamin na naghari sa loob ng apatnapung taon.
Nang siya'y alisin niya, si David ay ginawang hari nila. Sa kanyang patotoo ay sinabi niya tungkol sa kanya, 'Natagpuan ko si David na anak ni Jesse, na isang lalaking kinalulugdan ng aking puso, na gagawa ng buong kalooban ko.'
At samantalang tinatapos ni Juan ang kanyang gawain ay sinabi niya, 'Sino ba ako sa inyong akala? Hindi ako siya. Ngunit may dumarating na kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng sandalyas ng kanyang mga paa.'
Sapagkat hindi nakilala ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng mga pinuno nila si Jesus ni ang mga tinig ng mga propeta na binabasa tuwing Sabbath, tinupad nila ang mga salitang ito sa pamamagitan ng paghatol sa kanya.
At sa loob ng maraming mga araw ay nakita siya ng mga kasama niyang pumunta buhat sa Galilea patungo sa Jerusalem, na siyang mga saksi niya ngayon sa taong-bayan.
na ang mga bagay na ito ay tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus; gaya naman ng nasusulat sa ikalawang awit, 'Ikaw ay aking Anak, sa araw na ito ay naging anak kita.'
Tungkol sa pagkabuhay niya mula sa mga patay, upang hindi na magbalik sa kabulukan, ay ganito ang sinabi niya, 'Ibibigay ko sa iyo ang banal at mga maaasahang pangako kay David.'
Sapagkat si David, pagkatapos niyang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos sa kanyang sariling salinlahi, ay namatay at isinama sa kanyang mga ninuno, at nakakita ng pagkabulok.
'Tingnan ninyo, mga mapanlibak! Manggilalas kayo at mapahamak; sapagkat ako'y gumagawa ng isang gawa sa inyong mga araw, isang gawang sa anumang paraa'y hindi ninyo paniniwalaan kung sabihin sa inyo ng sinuman.' "
Nang matapos ang pulong sa sinagoga, marami sa mga Judio at masisipag sa kabanalan na naging Judio ay sumunod kina Pablo at Bernabe, na nagsasalita at humikayat sa kanila na magpatuloy sa biyaya ng Diyos.
At nagsalita ng buong katapangan sina Pablo at Bernabe, na nagsasabi, "Kinakailangang ipahayag muna ang salita ng Diyos sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil ito, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kami ngayon ay babaling sa mga Hentil.
Sapagkat ganito ang ipinag-utos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, 'Inilagay kitang isang ilaw sa mga Hentil, upang ikaw ay magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.'"
Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at niluwalhati ang salita ng Diyos; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.
Subalit inudyukan ng mga Judio ang mga kilalang babaing masisipag sa kabanalan at ang mga pangunahing lalaki sa lunsod, at nagsimula ng pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at kanilang pinalayas sila sa kanilang mga nasasakupan.