Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo.
Sa kabilang dako, ang nagpapahayag naman ng mensaheng mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin.
Ang sariling pamumuhay espirituwal ang pinapaunlad ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapaunlad ng nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos.
Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit higit na gusto kong kayo'y makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makatulong sa pag-unlad ng iglesya.
Kaya, mga kapatid, kung pumunta man ako riyan at magsalita sa inyo sa iba't ibang mga wika, ano ang mapapakinabang ninyo sa akin? Wala! Makikinabang lamang kayo kung tinuturuan ko kayo ng mga pahayag ng Diyos, ng nalalaman ko tungkol sa kanya, ng mga mensaheng mula sa Diyos, at ng mga aral.
Maging sa mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, paanong malalaman ninuman kung ano ang tinutugtog kung hindi malinaw ang tunog ng mga nota?
Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang nais ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin.
Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako'y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit.
Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng “Amen” ang isang taong naroroon kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi?
Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa.
Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang malay kung tungkol sa kasamaan, ngunit sa inyong pang-unawa, maging tulad kayo ng matatanda.
Ganito ang nakasulat sa Kautusan: “Sinabi ng Panginoon, ‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika, sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga, ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’”
Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang palatandaan para sa mga di sumasampalataya, hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos ay palatandaan para sa mga mananampalataya at hindi sa mga di sumasampalataya.
Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong di nakakaunawa o di sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing sira ang ulo ninyo?
Ngunit kung ang lahat ay nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at dumating doon ang isang di nakakaunawa, o di sumasampalataya, makikilala niyang siya'y makasalanan, madarama ang kanyang tunay na kalagayan,
Ano ngayon ang kahulugan ng lahat ng iyon, mga kapatid? Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikauunlad ng iglesya.
Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila.
sapagkat ang Diyos ay di nalulugod sa kaguluhan dahil siya ang Diyos ng kaayusan at kapayapaan. Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos,
ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan.
Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.
Kung inaakala ninuman na siya'y tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, o anumang kaloob ng Espiritu, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon.
Kaya, mga kapatid ko, hangarin ninyo na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika.