Ang pagmamalasakit ko sa inyo ay katulad ng pagmamalasakit ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo.
Ngunit nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayô kayo sa tapat at dalisay na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas.
Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at nangangaral ng ibang Jesus kaysa sa ipinangaral namin. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro namin sa inyo.
Ipinangaral ko sa inyo ang Magandang Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako'y nagpakababá upang maitaas kayo. Masasabi bang kasalanan ang ginawa kong ito?
At nang ako'y kapusin diyan, hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Mula't sapul ay iniwasan kong makabigat sa inyo sa anumang paraan, at iyan ang gagawin ko habang panahon.
Ngunit patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon, upang huwag magkaroon ng katuwiran ang mga namamalita na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa.
Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang tulad ng isang hangal.
Kahiya-hiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan! Kung may nakapagyayabang, ako'y makapagyayabang din at ako'y nakapagsasalita tulad ng isang hangal.
Sila ba'y mga lingkod ni Cristo? Nagsasalita akong parang isang baliw, ngunit ako'y mas mabuting lingkod ni Cristo kaysa kanila. Higit ang aking paghihirap kaysa sa kanila; makailang ulit akong nabilanggo, hinagupit nang maraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan.
tatlong ulit kong naranasang hagupitin ng mga Romano, at minsan namang binato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y maghapo't magdamag akong lulutang-lutang sa dagat.
Sa malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba't ibang panganib sa mga ilog, sa mga tulisan, sa mga kapwa ko Judio at sa mga Hentil; mga panganib sa lunsod, sa ilang, sa dagat, sa mga nagpapanggap na mananampalataya.
Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal.