Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay.
Kaya't pinakiusapan namin si Tito, dahil siya ang nagsimula ng gawaing ito, na kayo'y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito.
Subalit habang kayo'y sumasagana sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin, sikapin din ninyong manguna sa pagkakawanggawa.
Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kahit na mayaman, naging mahirap siya upang mapayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging mahirap.
Kaya ito ang payo ko, ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-iipon ng kaloob na sinimulan ninyo noon pang isang taon. Kayo ang nanguna, hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi maging sa pagpapanukala.
Sapagkat kung bukal sa kalooban ang pagbibigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong nakayanan; hindi niya hinihintay na magbigay kayo nang hindi ninyo kaya.
Masagana kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila'y sumagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, pareho kayong nakatulong sa isa't isa.
Hindi lamang iyan! Siya'y pinili ng mga iglesya upang maglakbay kasama namin at tulungan kami sa pangangasiwa sa gawaing ito. Ang ganitong paglilingkod ay para sa ikadadakila ng Panginoon, at sa aming marubdob na hangaring matulungan kayo.
Kaya isinusugo naming kasama nila ang isa pa nating kapatid na subok na namin sa maraming pagkakataon, at lalong masigasig sa pagtulong ngayon dahil sa malaking tiwala niya sa inyo.
Tungkol kay Tito, siya ang kasama ko at kamanggagawa sa pagtulong sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila'y mga apostol ng mga iglesya sa ikararangal ni Cristo.