At upang patunayan na kayo'y mga anak ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, at nang sa gayon ay makatawag tayo sa Diyos ng “Ama, Ama ko!”
ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mga tuntuning walang bisa at walang halaga? Bakit gusto na naman ninyong paalipin sa mga iyon?
Gayunman, hindi ninyo ako tinakwil o tinanggihan, kahit na naging pasanin ninyo ako dahil sa aking karamdaman. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus!
Nasaan ngayon ang kagalakang ipinamalas ninyo noon sa akin? Ako mismo ang makakapagpatotoo na kung maaari nga lamang pati ang inyong mga mata'y dudukitin ninyo at ibibigay sa akin noon.
Nagpapakita nga sa inyo ng malasakit ang mga taong iyan, ngunit hindi mabuti ang kanilang layunin. Nais lamang nila kayong ilayo sa akin upang sa kanila kayo mapalapit.
Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin.
Ayon sa nasusulat, “Magsaya ka, O babaing hindi magkaanak! Humiyaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakaranas ng hirap sa panganganak! Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulila kaysa babaing may asawa.”
Ngunit ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng alipin ay hindi dapat makibahagi sa mana ng anak ng malaya.”