"Huwag kang maghahandog sa PANGINOON mong Diyos ng baka o tupa na may dungis o anumang kapintasan; sapagkat ito'y karumaldumal sa PANGINOON mong Diyos.
"Kung may matagpuan sa gitna mo, sa loob ng alinman sa iyong mga bayan na ibinigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, na lalaki o babae na gumagawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON mong Diyos, na lumalabag sa kanyang tipan,
ay iyo ngang ilalabas sa iyong mga pintuang-bayan ang lalaki o babaing iyon na gumawa ng bagay na masama at iyong babatuhin ng mga bato ang lalaki at babae, hanggang sila'y mamatay.
"Kung magkakaroon ng usapin na napakahirap para sa iyo na hatulan, sa isang uri ng pagpatay at iba pa, karapatang ayon sa batas at iba pa, isang uri ng pananakit at iba pa o anumang usapin sa loob ng iyong mga bayan, ikaw nga'y titindig at pupunta sa lugar na pipiliin ng PANGINOON mong Diyos.
Iyong ilalapat ang hatol na kanilang ipinaalam sa iyo mula sa lugar na pipiliin ng PANGINOON; at masikap na isasagawa ang lahat na kanilang ituturo sa iyo.
Ayon sa kautusan na kanilang ituturo sa iyo, at ayon sa hatol na kanilang sasabihin sa iyo ay gagawin mo; huwag kang lilihis sa hatol na kanilang ipinaalam sa iyo, maging sa kanan o sa kaliwa man.
Ang taong gumagawa nang may kapangahasan, at hindi nakikinig sa pari na tumatayo upang mangasiwa doon sa harapan ng PANGINOON mong Diyos, o sa hukom, ang taong iyon ay papatayin at gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.
"Kapag dumating ka na sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, at iyong maangkin ito, at iyong matirahan, at iyong sasabihin, 'Ako'y maglalagay ng isang hari na gaya ng lahat ng mga bansang nasa palibot ko';
ilalagay mong hari sa iyo ang pipiliin ng PANGINOON mong Diyos. Isa sa iyong mga kapatid ang ilalagay mong hari; huwag kang maglalagay ng isang dayuhan na hindi mo kapatid.
Huwag lamang siyang magpaparami ng mga kabayo para sa kanyang sarili, ni pababalikin niya ang bayan sa Ehipto upang siya'y makapagparami ng mga kabayo, sapagkat sinabi sa inyo ng PANGINOON, 'Huwag na ninyong babalikan mula ngayon ang daang iyon.'
"Kapag siya'y uupo sa trono ng kanyang kaharian, ay kanyang susulatin ang isang sipi ng kautusang ito sa isang aklat, na nasa harapan ng mga paring Levita;
at iyon ay mamamalagi sa kanya, at kanyang babasahin sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, upang siya'y matutong matakot sa PANGINOON niyang Diyos, upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ng mga tuntuning ito;
upang ang kanyang puso ay huwag magmataas sa kanyang mga kapatid at huwag siyang tumalikod sa utos, maging sa kanan o sa kaliwa, upang mapahaba niya at ng kanyang mga anak ang kanyang paghahari sa Israel.