O mga mangmang at hangal na tao, ganyan ba susuklian ang kabutihan sa inyo ni Yahweh na inyong ama at sa inyo'y lumikha, at nagtaguyod na kayo'y maging isang bansa?
“Alalahanin ninyo ang mga lumipas na panahon, ang mga salinlahi ng mga nagdaang taon; tanungin ninyo ang inyong ama at kanilang sasabihin, pati ang matatanda at kanilang sasaysayin.
Nang ipamahagi ng Kataas-taasang Diyos ang ipapamanang lupain, nang ang mga bansa'y kanyang hati-hatiin, mga hangganan nito'y kanyang itinakda ayon sa dami ng mga anak niya.
“Sa isang disyerto sila'y kanyang natagpuan, sa isang lupang tigang at walang naninirahan. Doon sila'y kanyang pinatnubayan, binantayan at doo'y inalagaan.
Isang inahing agila, ang kanyang katulad, sila'y mga inakay na tinuruan niyang lumipad; upang ang Israel ay hindi bumagsak, sinasalo niya ng malalapad niyang pakpak.
“Kanyang pinagtagumpay sila sa kaburulan, sila'y kumain ng mga ani sa kabukiran. Nakakuha sila ng pulot sa mga batuhan, nakahukay rin ng langis sa lupang tigang.
“Si Jacob na irog, tumaba't lumaki—katawa'y bumilog; ang Diyos na lumalang kanyang tinalikuran, at itinakwil ang batong tanggulan ng kanyang kaligtasan.
Naghain sila ng handog sa mga demonyo, sa mga diyus-diyosang hindi nila alam kung ano; ngayon lamang dumating mga diyos na bago, na hindi sinamba ng kanilang mga lolo.
‘Kaya't ako'y lalayo,’ ang sabi niya, ‘Kanilang mga dalangin di na diringgin pa, tingnan ko lang ang kanilang sasapitin— isang lahing suwail, mga anak na taksil.
Pinanibugho nila ako sa mga diyos na hindi totoo, sa pagsamba sa kanila'y ginalit nila ako, kaya't bayang hangal kahit hindi akin ay siyang gagamitin, upang aking bayan galitin at panibughuin.
Galit ko'y bubuga ng nag-aalab na poot, maglalagablab hanggang sa kalaliman ng daigdig ng mga patay. Lupa't bunga nito apoy ang tutupok, sa mga saligan ng bundok siya ang susunog.’
Padadalhan ko sila ng nakakalunos na salot, matinding lagnat at gutom ang aking idudulot. Mababangis na hayop aking pasasalakayin, makamandag na ahas sila'y tutuklawin.
Sa mga lansanga'y magkakaroon ng mga patayan, sindak at takot naman sa mga tahanan; binata't dalaga'y kapwa pupuksain, maging pasusuhing sanggol at matatandang ubanin.
Subalit ayaw kong mangyari na ang mga kaaway ay pahambog na magsabi: Kami ang lumupig sa kanila, ngunit akong si Yahweh ang talagang sa kanila'y nagparusa.’
Paano matutugis ng isa ang sanlibo? O ang sampung libo ng dalawa katao? Sila'y pinabayaan ng kanilang batong tanggulan na sa kanila'y nagtakwil at nang-iwan.
Akin ang paghihiganti, ako ang magpaparusa; kanilang pagbagsak ay nalalapit na. Araw ng kapahamakan sa kanila'y darating, lubos na pagkawasak ay malapit ng sapitin.
Bibigyan ng katarungan ni Yahweh ang kanyang bayan, mga lingkod niyang hirang kanyang kahahabagan. Kapag nakita niyang sila'y nanghihina, at lakas nila'y unti-unting nawawala.
Sinong umubos sa taba ng inyong handog, at sino ang uminom ng alak ninyong kaloob? Bakit hindi ninyo sila tawagin at tulong ay hingin? Hindi ba nila kayo kayang sagipin?
“‘Alamin ninyong ako ang Diyos—Oo, ako lamang. Maliban sa akin ay wala nang iba pa. Ako'y pumapatay at nagbibigay-buhay, ako'y sumusugat at nagpapagaling din naman. Wala nang makakapigil, anuman ang aking gawin.
Hahasain ko ang aking tabak na makinang upang igawad ang aking katarungan. Mga kaaway ko'y aking paghihigantihan, at sisingilin ko ang sa aki'y nasusuklam.
Sa aking mga palaso dugo nila'y dadanak, laman nila'y lalamunin nitong aking tabak; hindi ko igagalang sinumang lumaban, tiyak na mamamatay bilanggo ma't sugatan!’
“Mga bansa, bayan ni Yahweh'y inyong papurihan, mga pumapatay sa kanila'y kanyang pinaparusahan. Ang kanilang mga kaaway kanyang ginagantihan, at pinapatawad ang kasalanan ng kanyang bayan.”
sinabi niya, “Itanim ninyo sa isip ang mga salitang narinig ninyo sa akin ngayon. Ituro ninyo sa inyong mga anak, upang masunod nilang mabuti ang buong kautusan.
Mahalaga ang mga salitang ito sapagkat dito nakasalalay ang inyong buhay. Kung susundin ninyong mabuti, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing sasakupin ninyo sa kabila ng Jordan.”
sapagkat sinuway ninyo ako sa harapan ng bayang Israel noong sila'y nasa tabi ng tubig sa Meriba-kades sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinakita sa mga Israelita na ako ay banal.